Natimbog ng mga tropa ng gobyerno ang isang babaeng opisyal ng New People's Army (NPA) dahil sa patung-patong na kaso nito sa Surigao del Norte, kamakailan.
Sa report ng Surigao del Norte Provincial Police Office (SDNPPO), nakilala ang rebelde na si Nenita Generalao Dolera, 31, secretary umano ng NPA Guerrilla Front 19, Sub-Regional Committee Southland ng North Eastern Mindanao Regional Committee.
“Dolera, who has three standing arrest warrants, was apprehended on September 10 in Purok Bilang-Bilang, Barangay Taft, Surigao City,” ayon sa SDNPPO.
Isinagawa ang pag-aresto kay Dolera dahil sa tatlong warrant of arrest na kabilang ang inilabas ng korte noong Hulyo 29, 2021 sa kasong attempted murder, at isa pang inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 40 sa Tandag City, Surigao del Sur nitong Enero 7, 2022 sa kasong attempted murder.
Naglabas din ng arrest warrant ang RTC Branch 7 sa Bayugan City, Agusan del Sur noong Hulyo 22, 2021 sa kasong frustrated murder.
Kabilang sa mga umaresto kay Dolera ang pinagsanib na puwersa ng Intelligence Division ng Police Regional Office in the Caraga Region, SDNPPO, Surigao City Police Station, Philippine Coast Guard in Surigao del Norte, 41st Military Intelligence Company, 401st Infantry Brigade (IB) ng Philippine Army.
PNA