Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na umaabot sa 15, 379 ang mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala nila sa bansa mula Setyembre 5-11, 2022.

Batay sa National COVID-19 case bulletin ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 2,197.

Mas mababa anila ito ng 10% kung ikukumpara sa mga kaso noong Agosto 29 hanggang Setyembre 4.

Anang DOH, sa mga bagong kaso, 12 ang may malubha at kritikal na karamdaman. 

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Samantala, mayroon namang naitalang 300 na pumanaw dahil sa karamdaman.

"Of the 300 deaths, 19 occurred in September 2022, 30 in August 2022, 41 in November 2021, 154 in October 2021, 39 in September 2021, 1 in April 2021, 1 in September 2020, 6 in August 2020, 8 in July 2020, and 1 in June 2020," anang DOH.

Noong Setyembre 11, 2022 naman anila, mayroong 727 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital sa bansa dahil sa COVID-19. 

Sa 2,485 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 594 (23.9%) ang okupado habang 28.2% ng 21,020 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Iniulat pa ng DOH na higit sa 72 milyong indibidwal o 93.18% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 18 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots. 

Sa kabilang banda, 6.8 milyong senior citizens o 78.18% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.

Kaugnay nito, mahigpit ang paalala ng DOH sa publiko na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. 

"Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.

Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. 

Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster," anang DOH.