Nakabinbin pa umano sa tanggapan ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon para magamit na rin ang COVID-19 vaccines para sa mga batang nasa edad 0 hanggang 4-taong gulang lamang.

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Lunes na hanggang sa ngayon ay hindi pa naiisyuhan ng emergency use authorization (EUA) ang naturang bakuna para sa mga paslit.

Gayunman, tiniyak ni Vergeire na tinatalakay na ito sa ngayon ng Health Technology Assessment Council (HTAC)

"We still don't have any recommendations on COVID-19 vaccines for children less than five years old. But the HTAC on this [topic] is already ongoing," ayon pa kay Vergeire."

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bags, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

"Applications for EUA for COVID-19 vaccines on children zero to four are also pending in the FDA," dagdag pa niya.

Nauna rito,  tinanong ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor si Vergeire kung ikinukonsidera rin ba ng DOH na mabakunahan laban sa COVID-19 ang mga paslit na nasa naturang age group, upang maging sila ay maprotektahan rin laban sa virus.

Nabatid na sa Estados Unidos, ang mga batang wala pang limang taon ang edad ay tinuturukan na ng COVID-19 vaccines na Pfizer at Moderna.

Nanawagan rin naman si Defensor sa DOH na magdesisyon pabor sa pagbabakuna sa mga paslit dahil marami na rin sa naturang age group ang dinapuan ng virus.