"Irresponsible, unprofessional," iyan ang mga salitang mailalarawan ng bride sa naging serbisyo ng na-hire nilang photographer at videographer sa kanilang kasal matapos maghintay ng apat na buwan sa kanilang wedding photos — ngunit ang resulta, para sa bride ay hindi kaaya-aya.
Idinaan na lamang sa isang series na Facebook posts ng bride na si Caren ang kanyang pagkadismaya sa mga larawan mula sa isa sa mga pinakamasayang araw sa kanyang buhay.
Pagbabahagi niya sa kanyang Facebook post na may display name na "Nayumi Stone Heart," sinabi nitong hindi na niya papangalanan ang mga photographer at videographer na kanilang na-hire dahil may natitira pa siyang respeto para sa mga ito.
Aniya, matiyaga silang naghintay ng ilang buwan bago makuha ang mga larawan dahil naiintindihan niya na hindi madaling mag-edit ng mga larawan, ngunit hindi man lang umano sumagot ang mga ito nang sinubukan nilang padalhan ng mensahe ang mga ito.
"We tried hard to understand u guys,we pay exactly the amount u ask in that day of the wedding,we never failed our responsibilities as we also expect some good service in our payment and i guess we deserve to be treated not in this way," ani Caren.
Nagpasalamat si Caren sa mga photographers dahil sa pagsisikap ng mga ito sa araw ng kanilang kasal ngunit aniya, nais nitong iparating na dismayado siya sa resulta ng kanilang paghihintay sa loob ng apat na buwan.
"We did understand and when finally after all this months of waiting we were happy that we already got what we want,but u know when we start looking at the photos it looks like all of u are playing it was very dissapointing and it looks like u look down on us and think that were idiot! WE PAY SO WE DESERVE TO COMPLAIN IF WE DONT LIKE THE OUTCOME OF YOUR JOB,I WAS VERY VERY DISSAPOINTING," animo'y galit na pagku-kwento ni Caren sa kanyang Facebook.
Kung titignan ang mga uploaded photos ni Caren, makikita na karamihan sa mga ito ay mataas masyado ang contrast — sobrang liwanag o hindi naman kaya'y sobrang dilim.
Dagdag pa ni Caren, mabuti pa kung cellphones ang gamit dahil sobrang klaro ang kuha at maayos pa.
Pagpapatuloy na rant ni Caren, "Nagbayad po kami nang maayos sa inyo pero para hindi niyo naman sineryoso 'yung trabaho niyo. Yes, mukhang simple lang kami pero hindi po kami uto-uto. Sobrang naiirita ako sa mga ginawa niyo. Kasal po 'yan at importante po 'yan sa amin na makuhanan kami nang maayos na litrato kasi isang beses lang po 'yan mangyari sa buhay namin. Kinuha po namin kayo as photographer at videographer kasi gusto namin maayos, nag-expect po kami pero bakit ganto yung gawa?"
Humiling naman siya na huwag nang gawin sa iba ang ginawa ng mga ito sa kanila.
Ani Caren, sila pa nag-edit ng ibang larawan dahil nakakahiya umanong i-post ang binigay na resulta sa kanila.
"Tingnan niyo naman 'yung mga litrato na kuha niyo, trabaho po ba 'yan ng isang professional?"