Sa kalagitnaan ng isang broadcast, isang news anchor ang biglang nawalan ng paningin sa isang mata. Sinundan naman ito ng pamamanhid ng kanyang braso, at hindi na mabigkas nang maayos ang mga linya mula sa teleprompter.
Sa video ng newscast na ibinahagi online, nagsimulang nakaranas ng mga sintomas ng tulad ng stroke ang news anchor sa telebisyon sa Oklahoma na si Julie Chin.
"I'm sorry. Something is going on with me this morning, and I apologize to everybody," paumanhin ni Chin habang nasa kalagitnaan ng broadcast.
Kasalukuyang inuulat ni Chin ang kaganapan sa pagtatatangkang paglunsad ng Artemis I rocket ng National Aeronautics and Space Administration (NASA).
Nang napagtanto ng mga kasamahan niya ang nangyayari kay Chin, agaran naman silang tumawag sa 911 upang humingi ng tulong medikal.
Kinabukasan nang mangyari ang insidente, ibinahagi ni Chin sa isang post sa Facebook na naniniwala ang mga doktor na naranasan niya ang mga paunang senyales ng stroke.
Hindi naman ito inaasahan ni Chin dahil maganda pa ang kanyang pakiramdam bago pa siya sumalang sa kanilang show.
"The episode seemed to have come out of nowhere. I felt great before our show," ani Chin.
"First, I lost partial vision in one eye. A little bit later my hand and arm went numb. Then, I knew I was in big trouble when my mouth would not speak the words that were right in front of me on the teleprompter. If you were watching Saturday morning, you know how desperately I tried to steer the show forward, but the words just wouldn’t come," dagdag pa niya.
Nagpasalamat siya sa kanyang mga katrabaho sa pagtulong sa kanya.