Nagbukas ng oportunidad para sa mag-aaral na namataang kumakain sa dahon ng saging at nag-uulam ng toyo ang Facebook post ng gurong si Kenzy Goroy mula sa Sultan Kudarat, matapos niya itong itampok sa social media dahil sa inspirasyong dala-dala nito.

Salaysay ng guro, pauwi na sana siya nang makita niya ang pupil na tahimik na kumakain sa baong kanin na nakabalot sa dahon ng saging, at ang ulam ay toyo na nasa maliit na sachet. Nakakamay lamang ang bata at tila sarap-sarap sa kaniyang kinakain, habang nasa isang desk.

"Pauwi na sana ako at nakita ko ang isa naming estudyante na dahon ng saging ang pinangbalot ng kaniyang kanin at isang sachet ng silver swan soy sauce ang pinang-ulam," ayon sa caption ng guro.

"Challenge: Naranasan n'yo rin ba ito noong nag-aaral pa kayo?"

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

"Mahirap ang maging mahirap, pero mas mahirap kung wala tayong mga pangarap."

Marami naman sa mga netizen ang napa-throwback sa kanilang mga personal na karanasan, na inulam din ang toyo (ang iba ay mantika at asin pa nga) noong sila ay bata pa lamang.

Dahil sa FB post ni Sir, marami umano ang nagpahatid ng tulong para sa naturang bata, na nakilalang si "Lycka".

Nitong Sabado, Setyembre 10, ibinahagi ni Sir Kenzy ang iba't ibang mga tulong gaya ng biskwit, grocery items, sako ng bigas, at marami pang iba, para sa naturang mag-aaral.

"I-aakyat ko na po bukas ang mga supplies and groceries po na nagmula po sa mga tumulong sa batang si Lycka," ayon sa guro.

"Taos-puso po akong nagpapasalamat sa inyong lahat… Mabuhay and God bless you more po mga Kapamilya."

Mapapanood umano sa vlog ng guro kung paano siya namili ng mga grocery item para kay Lycka at sa pamilya nito.