Hinangaan ng mga netizen ang inisyatibo ng gurong si Christian Obo mula sa isang pampublikong paaralan sa Calamba, Laguna, matapos niyang maglagay ng "classroom pantry" para sa mga estudyanteng walang pambili ng pagkain para sa recess o pananghalian, o walang dalang baon.

Ayon kay Sir Christian, sa tulong ng ambagan ng kaniyang mga kaibigan at kakilala ay naging posible ang classroom pantry, na hango sa sumikat na Maginhawa Community Pantry ni Ana Patricia Non, sa kasagsagan ng lockdowns dahil sa pandemya. Simula noon ay umusbong na ang iba't ibang community pantry, na iba-iba rin at hindi lamang mga pagkain o pangunahing pangangailangan ang pinagmamalasakitang ibigay sa mga nangangailangan.

Naranasan na mismo ni Sir Christian na pumasok sa paaralan noon na kumakalam ang sikmura, kaya ayaw na niya itong maranasan pa ng kaniyang mga estudyante.

Ito rin ay panghihikayat niya sa mga mag-aaral na muling bumalik at pumasok sa paaralan, lalo't nagbabalik na sa face-to-face ang mga klase.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

"Mula taong 2017 ito na ang aking naging panata. Marami pa rin sa atin ang pilit bumabangon at ang bawat mag-aaral ay may kaniya-kaniyang kuwento, problema at suliranin na dala-dala, sa kabila nito ay patuloy na nagsisikap," ayon sa Facebook post ng guro mula sa Laguna.

"Ang lahat ng ito ay hindi magiging ganap kung wala ang mga taong handang maging katuwang natin sa mga ganitong gawain."

Pinasalamatan ng guro ang mga taong nakatulong sa kaniya upang maitayo ang classroom pantry.