Matapos ang nakadidismayang pagkatalo nitong nakaraang araw, nakabangon din ang Gilas Pilipinas Women makaraang masungkit ang bronze medal laban sa Samoa, 84-68, sa FIBA Under-18 Women's Asian Championship saSree Kanteerava Indoor Stadium sa Bangalore, India nitong Linggo ng hapon.
Kumana ng 27 puntos si Sumayah Sugapong sa Gilas Women, bukod pa ang anim na rebounds habang ang kakamping si Louna Ozar ay nagdagdag ng 15 puntos.
Nag-ambag naman ng 14 puntos si Kristan Yumul.Sa third quarter, dikdikan pa ang laban ng mga ito kung saan isang puntos lang ang abante ng National team, 45-44 kasunod ng layup ni Sugapong.
Mula sa naturang abante, unti-unti na ring nakalalayo ang Gilas, 53-49, kasunod ng buslo ni Camille Nolasco.
Sa huling bahagi ng laban, rumatsada na nang husto ang Philippine team, tampok ang sunud-sunod na tres nina Yumul Liane Ashley Loon.
Umabot na rin sa 15 ang abante ng mga Pinoy, 82-67, matapos ang layup ni Kate Bobadilla, isang minuto na lang sa regulation period hanggang sa tuluyan nang maiuwi ang panalo.
Sa panig ng Samoa, naka-30 points pa si Malia Jae Ruud, dagdag pa ang 134 rebounds habang naka-double-double naman ang teammate na si Kira-May Filemu, 13 puntos at 13 rebounds.
Nitong Sabado ng gabi, tinalo ng Malaysia ang Pilipinas, 66-65, sa kanilang semifinal round.