Inihirit ng Department of Health (DOH) na dagdagan ang buwis sa junk food at matatamis na inumin upang mapataas ang kita ng gobyerno para sa Universal Health Care Program (UHCP) nito at masugpo na rin ang problema sa labis na katabaan sa bansa.

Ikinatwiran ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang pagpapataw ng dagdag na buwis ay magpapababa ng pagkonsumo sa mga nasabing produkto at inihalimbawa ang pagpataw ng karagdagang buwis sa mga alak at produkto mula sa tabako.

“Alam po nating lahat na ang sweetened beverages at saka ‘yung junk food can contribute to obesity or overweight, and these contributing factors become lifestyle-related factors," pagdadahilan nito nang kapanayamin sa telebisyon nitong Linggo.

“May mga pag-aaral na na kapag ang bata naumpisahan sa mga ganitong klaseng pagkain, ‘pag laki nila obese din sila and pumapasok na ‘yung risk nila sa iba’t ibang mga non-communicable diseases,” pagpapatuloy ni Vergeire.

Gayunman, wala pang inilalatagna partikular na panukala ang DOH sa usapin. Sinabi ng opisyal na ang dagdag na makokolektang buwis ay gagamitin sa UHC Law upang mapakinabangan ng mamamayan sa ilalim ngNational Health Insurance Program.

“Ganito po ‘yung gusto nating makita in the coming years, that these sin taxes can fund the different interventions that we do to provide universal healthcare for everybody,” anito.

Sa pag-aaral na isinagawa ngNational Tax Research Center (NTRC)noong 2020, maaaring makakolekta ang gobyerno ng P72.97 bilyon mula sa 20 porsyentong excise tax sa junk food na maaaring magamit sa naturang programa.