Nakatakda umano maghain sa Lunes ng isang resolusyon si Senador Grace Poe na humihiling sa Senate committee on public order and dangerous drugs na magsagawa ng imbestigasyon sa umano'y sunud-sunod na kidnapping sa iba't ibang panig ng Luzon.

"Ang bawat kaso ng pagdukot ay nakaririmarim. Hindi natin dapat hayaang malagay sa balag ng alanganin ang kaligtasan ng ating mga kababayan at ang pagsisikap nating sama-samang makaraos sa gitna ng kahirapan," saad ni Poe.

Binanggit ni Poe na iniulat ni Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (PCCCII) President Lugene Ang na may 56 kidnapping incidents na ang kanilang naitala na kinabibilangan ng ilang Filipino at Chinese nationals kasama pa ang mga bata.Wala pa sa bilang ang hindi naiulat na mga insidente.

Idinetalye pa ng PCCCII ayon sa resolusyon ni Poe, “Masahol pa sa hayop ang mga kidnapper. Gumagamit sila ng torture, intimidasyon at panggagahasa sa mga kababaihan at pagkatapos ay magpapadala ng videos sa kaanak ng biktima kasabay ng paghingi ng malaking ransom. Sa ibang kaso, ibinebenta ang biktima sa ibang kidnapping groups."

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Saad pa ni Poe sa kanyang resolusyon, "isa sa mga kaso ang pagdukot at pagpatay kay Eduardo Tolosa Jr., isang pharmaceutical executive na napaulat na sinunog sa loob ng tatlong araw ng mga kidnapper pagkatapos huling makita nang buhay sa kanyang Toyota Land Cruiser nang kumuha siya ng P5.7 milyong cash at dalawang mamahaling relo sa Bonifacio Global City."

Isa pang hindi nalulutas na kaso ang kumakalat na traffic video na may titulong"Kidnapping sa Skyway galing airport” na kinasasangkutan ng tatlong 'di kilalang sasakyan na pumalibot sa isang puting van sa Skyway at nakita ang mga kalalakihang binubuksan ang van, ayon sa resolusyon ni Poe.

Pinabulaanan ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration Jose Chiquito Malayo ang bilang, na aniya ay umabot lamang sa apat ang naitalang insidente ng pagdukot sa taong kasalukuyan na kung saan ang isa ay may kaugnayan sa Philippine offshore gaming operators (POGOs), at pawang dayuhan ang kidnappers.

Makalipas ang ilang araw, pinabulaanan ang datos ni Malayo nang iulat ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) na tumaas ng 25 porsiyento ang bilang ng kaso ng kidnapping na kinasasangkutan ng ilang POGO.

Iniulat ng AKG na umabot sa 27 insidente ng kidnapping ang naganap mula Enero hanggang Setyembre: 15 POGO-related, 11 kidnap for ransom at isa ay casino-related na kaso.

Inihayag naman ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na hindi nila binabalewala ang posibilidad na may mga kaso ng kidnapping ng manggagawa sa POGO ang hindi naiuulat sa awtoridad.

Kaya’t iginiit ni Poe sa kanyang resolusyon,”May matinding pangangailangang matukoy ang estado ng mga kasong ito, mga motibo, at pagkilos na isinasagawa ng mga ahensya para matukoy ang salarin at sawatahin ang pagtaas ng abduction cases sa bansa.

“Kailangan din nating malaman ang katotohanan sa gitna ng mga hinalang ilang dayuhan ang nasa likod ng mga krimeng ito,” giit ng resolusyon.