Dis-oras ng gabi, sa madalim na daan, nang makasalubong ng 22-anyos na motoristang si PJ Carawana ang nakatayong manika sa isang barangay sa Dulag, Leyte kamakailan.

Sa panayam ng Balita Online, noon pang nakaraang Martes nangyari ang insidente na halos ikahimatay niya umano sa nerbyos.

Galing bayan ng Dulag si PJ para sa isang taunang event kaugnay ng pista sa lugar nang bagtasin ng binata ang bahagi ng Brgy. Del Pilar papuntang Brgy. Rawis, halos hatinggabi na ng nasabing araw.

“’Di ko alam sino ang naglagay nun haha lakas ng trip muntikan na ‘ko mahimatay,” pagbabahahagi ni PJ.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Dis-oras ng gabi tapos ikaw lang mag-isa, makakakita ka ng ganon hahaha ano mafefeel mo hahaha,” dagdag niyang sabi.

Aniya, inakala niyang totoong sanggol ang naturang manika na nakatayo pa nang makasalubong sa madilim na daan.

Natiyempuhan pa umanong hindi lahat ng street lights ay gumagana sa nasabing kalye.

Sa larawan, makikita ang tila sanga ng kahoy na naging suporta sa likod ng manika dahilan para magmukha itong nakatayong sanggol.

“Sana naging masaya ka hahaha 🤣Mahal parin kita kahit pinatibok mo puso ko hahaha,” kuwelang mensahe na lang ng binata sa likod ng nakakagimbal na pakulo sa daan.

Tila hindi lang si PJ ang naging biktima nito dahil aniya, hindi rin niya inalis sa daan ang manika, at nilagpasan niya lang ito matapos kunan ng litrato.