Walang pinipiling edad o estado sa buhay ang pagtatamo ng edukasyon. Hindi rin dapat humihinto sa pangangarap ang isang tao upang makamit niya ang mga mithiin sa buhay, anuman ang kaniyang nakaraan. Maaaring maging susi ang edukasyon sa pagbubukas ng iba't ibang oportunidad na magpapalago at maglilinang sa isang indibidwal.

Kaya naman, naniniwala sa misyong ito si T. Noriel Trejo Cabanganan, Alternative Learning System (ALS) Mobile Teacher I mula sa Brgy. Bagacay, Daram, Samar, na tinatawid ang karagatan para lamang maturuan ang mga out of school youth/adult na nais pang makabawi at makahabol ng pag-aaral, at 'ika nga ay mabigyan ng pangalawang pagkakataon.

Mga larawan mula kay Niel Cabanganan

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ayon sa eksklusibong panayam ng Balita Online, nakaka-relate si T. Niel sa kaniyang mga mag-aaral dahil bata pa lamang siya, naging working student na siya upang masuportahan ang kaniyang pag-aaral.

"Maaga akong namulat sa realidad, pagkatapos ko ng highs chool noong 2006, sumabak na ako sa Manila upang makapagtrabaho, opo hindi ako nakapagkolehiyo agad, limang taon bago ako nakapag-isip-isip na ituloy ang pag-aaral ko hanggang kolehiyo, dahil iba talaga ang nakapagtapos ng pag-aaral at may napapatunayan sa buhay," aniya.

"Graduate ako ng Bachelor of Science in Information Technology BSIT noong 2016 sa tulong ng aking pagiging isang working student sa school at sa mga scholarships pandagdag ng aking mga gastusin kasi pinag-aaral ko sarili ko, mala-MMK (Maalaala Mo Kaya) din kasi ang kuwento ko noon."

Nang makatapos daw sa kaniyang unang bachelor's degree ay ipinasya ni T. Niel na kumuha ng education units noong 2017 dahil naging in-demand ang pangangailangan sa mga guro sa ilalim ng K to 12 Program. Kumuha siya ng board exam noong 2018 at pinalad na makapasa. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik na mag-aplay sa Department of Education (DepEd) dahil siya rin lamang ang inaasahan ng pamilya. Sa limang magkakapatid, siya lamang daw ang nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.

At kay bilis lumipas ng panahon. Sa ngayon, apat na taon na siyang mobile teacher para sa ALS program sa kanilang distrito.

"Ang ALS program ay isang second chance education katumbas ng pag-aaral sa pormal na sistema para sa mga nagnanais na matupad o makapagtapos ng basic education. Kung iisipin, mahirap ang pagiging isang mobile teacher, bawat mag-aaral ay may iba't-ibang learning needs, ibat-ibang learning level na dapat naming matutukan upang maipasa nila ang assessment at makatangap ng certificate of completion," paliwanag ni T. Niel.

"Kami ang naghahanap ng mga mag-aaral sa bawat barangay at manunuyo sa mga out-of-school youth /adult na bumalik o ipagpatuloy ang kanilang naudlot na pangarap na makapagtapos, lalo pa dito sa aming lugar na isang coastal area, ang bayan ng Daram ay isang isla na ang pangunahing transportasyon ay paglalayag sa karagatan para mapuntahan at hikayatin ang mga nagnanais mag-enrol sa ALS program."

Mga larawan mula kay Niel Cabanganan

Kuwento pa ng mobile teacher, may mga panahong sinusuong o naaabutan pa sila ng sama ng panahon habang naglalayag sa dagat, matupad lamang ang kanilang tungkulin sa pamayanan.

"Kaya napipilitan kaming makitulog sa kung saan puwede sa tulong na rin ng mga barangay officials, mahal din ang bawat biyahe namin, mabigat man sa badyet, wala kaming choice sa bawat rent ng motorboat aabot ng 300 hanggang 500 piso bawat araw na biyahe, mapuntahan lang ang isang komunidad para sa edukasyong dala ay pag-asa sa mga ALS learners," ani T. Niel.

"Iba ang pakiramdam na yung mga tinuturuan mo ay nakakapagtapos o natutupad na rin ang kanilang pangarap sa araw ng graduation, bakas sa kanila ang tuwa at saya na makakatangap sila ng kanilang diploma o certificate of completion."

Mga larawan mula kay Niel Cabanganan

Kung mahirap pala ang maging ALS mobile teacher, bakit ipinagpapatuloy pa niya ang ganitong trabaho?

"Ginagawa ko ito dahil nakita ko ang kahalagahan ng programa ng ALS sa mga out-of-school youth at adult na hindi nakapagtapos dahil sa mga iba't ibang pagsubok o kuwento ng kanilang buhay. Kasi naiisip ko, kung wala ang programang ito paano sila? Paano nila mapapagpatuloy ang kanilang mga pangarap makapagtapos para matulungan ang kanilang sarili? Pinagtibay ng pamahalaan ang programa ng ALS sa pamamagitan ng ALS Act 11510 upang marami ang maabot ng programang ito lalo na sa malalayong lugar na hindi naabot ng programa o serbisyo ng gobyerno," aniya.

Sino-sinong mga indibidwal o mga organisasyon ang nakatulong sa kanilang mobile teachers upang maisakatuparan ang kanilang misyon?

"Mapalad kami dito sa amin kasi malaki ang suporta ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Daram sa programa ng ALS. Naglaan ng pondo ang LGU para sa mga learning materials, activities at volunteer teachers, mga guro na hindi pa nakakatanggap ng special order o yung mga nag-aantay ng kanilang item bilang isang regular na guro ng DepEd, sila ang aming katuwang para mas marami pa ang aming mapagserbisyuhan."

"Salamat kay Hon. Mayor Philip Martin L. Astorga, sa aming Schools Division Superintendent Dr. Carmela R. Tamayo CESO V, Dr. Antonio F. Caveiro-CID Chief, sa aming division ALS focal persons kay sir Faustino M. Tobes-EPS for ALS, Sir Jude Martin R. Bardaje-EPSAII, kay Ma'am Ma. Ruby A. Calong-District head, sa mga gabay at pagsuporta, sa co-ALS implementers ko sa distrito ng Daram I and Daram II."

May mensahe naman si T. Niel sa lahat ng mga kapwa guro, lalo na sa ALS mobile teachers ngayong National Teachers' Month.

"Sa mga kapwa guro ko lalo na sa ALS, SALUDO ako at PROUD ako sa ating ginagampanan, dahil sabi nga ng aming dating regional director Ramir Uytico, 'Ang ALS teachers ay huling susuko sa laban' at hindi tayo ALS teacher lang kundi tayo ay teachers/guro… HAPPY NATIONAL TEACHERS’ MONTH!"

Mga larawan mula kay Niel Cabanganan

Saludo kami sa iyo, T. Niel at sa lahat ng guro at ALS mobile teachers sa buong Pilipinas!