Kung dati ay pinag-iisipan, tuluyan na umanong sinampahan ng kasong cyber libel ng award-winning director at abogadong si Atty. Vince Tañada, gayundin ang kaniyang co-producers ng pelikulang "Katips", si Miss Q&A Season 1 Grand Winner Juliana Parizcova Segovia.
Matatandaang sinabi ng direktor sa isang panayam noong Agosto na nag-iisip-isip na umano siya kung sasampahan ba niya ng kaso si Juliana, dahil umano sa mga malisyosong ipino-post nito sa social media, kaugnay sa kaniya at sa pelikulang "Katips", lalo na nang manalo ito at humakot ng mga parangal sa 70th FAMAS.
Matatandaang nag-post si Juliana na babatiin sana niya ang direktor pero pinag-iisipan pa niya kung gagawin niya. Kalakip nito ang ilang screengrab sa Facebook ng mga akusasyong malapit ang direktor sa mga taga-FAMAS, at naging direktor pa mismo ito ng awards night noong 2021.
Tinawag pa itong "pa-victim na pelikula" ng komedyante.
"Babatiin ko na sana yung humakot daw ng awards sa FAMAS at pelikulang pa-victim na kunwari tinatapangan para itapat sa Maid in Malacañang, kaso andaming resibo. Sige na nga… Congrats Haahahaha!” mababasa sa Facebook post ni Juliana.
Sa naging panayam ng DZRH at naisulat din sa Philippine Entertainment Portal o PEP sa direktor, hindi umano ito nagustuhan ni Tañada. Sana raw ay magkaroon na ng aral ang mga nagpapakalat ng pekeng impormasyon o pekeng balita.
Dahil isa ring abogado si Tañada, sumang-ayon daw ang mga kasamahan niya sa law firm na libelous ang post ni Juliana laban sa kaniya. Malinaw daw na isa itong malicious imputation at paninirang-puri lamang.
Mas naiintindihan at mapapalagpas pa raw niya ang mga sinasabi laban sa kaniya ng mismong direktor ng MiM na si Darryl Yap dahil siyempre, ito mismo ang nagsulat ng iskrip at nagdirehe ng naturang pelikula.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/04/nakikialam-di-naman-kasali-atty-vince-balak-kasuhan-si-juliana/">https://balita.net.ph/2022/08/04/nakikialam-di-naman-kasali-atty-vince-balak-kasuhan-si-juliana/
Ayon sa panayam sa director-abogado ng isang entertainment media, nai-file na raw ng kaniyang mga co-producers na mga abogado rin ang kaso dahil talagang nasaktan sila sa mga sinabi ng komedyante. Hinihintay na lamang daw lumabas ang desisyon ng piskalya tungkol dito.
Nasabi pa niya na kailangan umanong turuan ng leksyon ang "fake news peddlers" o mga taong nagkakalat ng misinformation at disinformation.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Juliana tungkol dito, bagama't sa kaniyang verified Facebook account na "Juliana Parizcova Segovia" ay tila may pahaging siya tungkol sa latest post ng direktor, na nagpapatutsada sa "bayarang trolls".
"🤑🤑🤑 tapos sasabhn naiingit daw sa kanila kasi nag succeed sila, HOY GISING!🤣🤣🤣," caption ng Facebook post kalakip ang pubmat na $1M ang total gross ng pelikulang Maid in Malacañang sa Middle East.