Gumawa ng kasaysayan ang Pinay na si Alex Eala matapos pumasok sa US Open juniors' singles final nang idispatsa nito si Canadian Victoria Mboko, 6-1,7-6, sa kanilang semifinal round sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa New York, United States nitong Sabado ng umaga.
Pinahirapan muna ni Mboko si Eala sa 21 minuto nilang laban bago nakuha ng huli ang panalo.
Kapwa pumalo ng anim na double faults sina Eala at Mboko, tampok ang abante ng huli sa ipinamalas na aces, 5-2, laban sa una.
Sa kabuuan ng laro, nakapagtala lang ng 21 errors si Eala kumpara sa 31 ni Mboko kaya nito nahablot ang tagumpay.
Haharapin ni Eala si Lucie Havlickova ng Czech Republic sa kanilang US Open championship sa Linggo ng madaling araw.
Kumpiyansa si Eala na mahablot niya ang ikatlong overall Grand Slam girls' singles title.
Bago sumabak sa semifinals si Eala, itinumba muna nito si Russian Mirra Andreeva sa kanilang Round of 8.
Ikinasa ang paghaharap nina Eala at Havlickova sa finals matapos kaldagin ng huli si Russian Diana Shnaider, 6-4,6-4, sa semifinals match.
Si Havlickova ay namayani sa nakaraang 2022 French Open singles.