Sumabog ang isang bahay na ginawang imbakan umano ng paputok na ikinasugat ng tatlong miyembro ng isang pamilyang sa Imus City, Cavite nitong Biyernes ng umaga.

Ang tatlong sugatan na isinugod sa ospital ay kinilala ng pulisya na sina Marylyne Ochoa, 56, may-asawa,  Alaisa Marie Ochoa, 28, at Jay Arvin Ochoa.

Limang bahay at anim na sasakyan ang naiulat na napinsala sa insidente sa Cristorey Street, Holiday Avenue sa Holiday Village, Brgy. Bayan Luma 4.

Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Imus City Police chief, Lt. Col. Jose Alamo na Hulyo pa lang ay bumili na ng murang paputok ang may-ari ng bahay upang ibenta sa Disyembre.

Probinsya

69-anyos senior citizen, timbog sa iligal na droga

Inimbak lamang umano ang mga paputok sa naturang bahay na naging dahilan ng pagsabog nito.

Aminado si Alamo na bawal ang mag-imbak ng paputok dahil sa dalang panganib nito.

Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Joe Cruz, nagulat siya nang makarinig ng parang kulog at nang usisain nito ay nakita niyang bumagsak na ang kisame ng kanilang bahay na katabi ng pinangyarihan ng pagsabog.

Iniimbestigahan pa ang sanhi ng insidente, ayon pa kay Alamo.