Kung ang Department of Health (DOH) ang tatanungin, nais nitong panatilihin ang mandatory na pagsusuot ng face masks habang nananatili pa ang banta ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Sinabi ni DOH Officer In Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire nitong Huwebes na ito ang naging paninindigan ng ahensiya sa naging pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kamakailan nang talakayin nila ang naturang isyu.

Gayunman, marami anilang datos ang iprisinta sa pulong kaya’t nabuo ang rekomendasyon na gawing opsyonal na lang ang paggamit ng face mask kung nasa outdoor, sa huling bahagi ng taong ito.

“The position of the DOH is for us to continue on masking, but there were several data that were presented also that led to this decision,” ayon kay Vergeire, sa panayam ng isang news channel.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Aniya pa, ilang economic manager na dumalo rin sa pulong ang nagsabi na darami ang bilang ng mga turista sa sandaling gawing opsyonal ang pagsusuot ng face mask sa open spaces.

“So having said that, we needed to balance between the health and economy, and what we have compromised would be, this will be done among low-risk individuals and in low risk settings,” aniya.

Nilinaw naman ni Vergeire na ang opsyonal na pagsusuot ng face mask ay maaari lamang gawin kung nasa outdoor, o sa mga lugar na hindi crowded at mayroong good ventilation.

Aplikable lamang rin aniya ito sa mga itinuturing na low risk individuals, o yaong hindi senior citizens, walang comorbidities, hindi bata, at walang sintomas ng COVID-19.

Una naman nang nilinaw ng Malacañang, na ang naturang opsyonal na pagsusuot ng face mask outdoor ay hindi pa pinal sa ngayon.