Required o kinakailangan pa ring magsuot ng face mask ng mga estudyante at mga gurong dumadalo sa face-to-face classes upang maprotektahan sila laban sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Huwebes sa kabila ng rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gawing opsiyonal na lamang ang face mask use sa mga open spaces sa huling bahagi ng taon.

Ipinaliwanag ni Vergeire na ang panukala ng IATF na boluntaryong pagsusuot ng face mask ay sa outdoor o open spaces na may good ventilation lamang, kung huhusay ang COVID-19 booster uptake sa bansa.

Ayon kay Vergeire, dahil ang face-to-face classes ay ginagawa sa loob ng silid-aralan, hindi ito sakop ng rekomendasyon.

Eleksyon

Malaca<b>ñang sa umano'y pagtakbo ni VP Sara sa 2028: 'It's her privilege'</b>

“Classes are done indoors. Hindi pa ho kasama ngayon ang indoors dito sa ating polisiya,” pahayag pa ni Vergeire sa panayam sa isang programa sa telebisyon.

Umapela rin siya sa mga magulang at mga guardians na tiyaking ang kanilang mga anak ay nagsusuot ng face masks sa paaralan, upang makaiwas na mahawahan ng virus.

Ani Vergeire, “Sana po ang ating mga magulang, magkaron pa rin ng pag-assess ng risks dahil alam natin na ang ating mga kabataan, marami sa kanila ay hindi pa bakunado. Ipagsuot pa rin natin ng masks ang ating mga kabataan ‘pag papasok sa school.”

“Kapag uuwi na lang kapag maglalaro, at maluwag naman ang lugar, walang tao, at saka na lang tayo magkaroon nitong optional wearing of mask,” aniya pa.