Isa sa mahahalagang okasyon sa buhay ng isang tao ang kaniyang kaarawan. Ito kasi ang nagpapaalala sa lahat ng petsa ng kapanganakan ng tao at pag-iral niya sa mundong ito. Simple man o magarbo, naging kaugalian na ang paghahanda, pagdiriwang, o pagsasaya upang gunitain ito.

Ngunit sa realidad ng buhay, may mga taong hindi pa nakararanas na mahandaan o magkaroon man lamang ng cake sa araw mismo ng kanilang bertdey.

Kaya naman, naantig ang damdamin ng mga netizen sa ginawa ng gurong si Ma'am Raine Censon mula sa Nueva Ecija, matapos niyang bilhan ng cake ang kaniyang pupil, na kahit kailan ay hindi pa nakaranas na magkaroon nito, kailanman. Makikita sa kaniyang Facebook post noong Setyembre 6 ang video ng pagtanggap ng mag-aaral na si "Ronamie" sa kaniyang cake habang kinakantahan ng kaniyang mga kaklase.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Napag-alaman daw ng guro na hindi pa ito nakaranas na mahandugan ng birthday cake, nang malaman niyang kaarawan nito. Agad daw na nagpabili ang guro ng cake para sa kaniya. Naiyak daw ang bata dahil dito.

"First time daw niya nag-birthday iyak po siya nang iyak. Naiyak na rin po ako kaya hindi ko na po sinama sarili ko sa video, kasi iyak na ako nang iyak," kuwento ng guro sa isang ulat.

Agad na pinag-usapan sa social media ang kaniyang video.

"Sa mga kapwa ko guro, saludo po ako sa inyo. God bless us all po. Palagi po (para sa bata, para sa bayan at serbisyong higit pa sa inaasahan)," ayon pa sa bukod na Facebook post ni Ma'am Raine.