Inilunsad ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes, Setyembre 8, ang isang bagong channel kung saan maaaring magsumbong ang mga estudyanteng naging biktima ng sexual harassment at pag-abuso sa paaralan.
Bilang bahagi ito nang pagsusumikap ng ahensya na palakasin pa ang child protection sa mga paaralan.
Nabatid na sa ilalim ng proyekto, maaaring direktang isumbong ng mga biktima ang pinagdaraanan nilang harassment at pang-aabuso sa tanggapan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Kinakailangan lamang ng mga complainant na mag-email sa [email protected].
Maaari rin umanong makontak ng mga complainant ang tanggapan ni Duterte sa pamamagitan ng mga numero ng telepono na 8633-1942, 8635-9817 at 09959218461.
"Direct line po siya kasi naintindihan natin 'yong embarrassment at sensitivity ng matter kapag pumupunta sila sa officials ng school," ayon kay DepEd Spokesman Michael Poa, sa isang pulong balitaan.
Nauna nang sinampahan ng DepEd ng kaso ang lima sa pitong high school teachers sa Bacoor, Cavite na inaakusahan ng sexual harassment ng kanilang mga estudyante.