Kinumpirma ng Baguio City Police Office (BCPO) ang pagkakadakip ng isa sa tatlong suspek sa pagpatay sa isang babae sa Barangay Alfonso Tabora, Baguio City nitong nakaraang buwan.
Sinabi ni BCPO director Col. Glenn Lonogan, si Reneval Ponce, 31, ay inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa pinagtataguan nito sa Maynila nitong Setyembre 7.
Isinasangkot si Ponce sa pagpatay kay Juliet Hesim, 22, nitong Agosto 30.
Ang bangkay ni Hesim ay itinapon sa bakuran ng bahay na katabi ng gusaling tinutuluyan ni Ponce, kasama ang live-in partner nito.
Sa police report, nakita si Ponce na huling kasama ni Hesim bago matagpuan ang bangkay ng biktima.
Ayon kay Lonogan, pinasok nila ang inuupahangkuwarto ng suspek at ng live-in-partner na si Babylyn Salvador nitong gabi ng Setyembre 5 sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Cecilia Corazon Dulay-Archog ng Branch 7, Regional Trial Court, Baguio City.
Nakita sa loob ng kuwarto ang duck type na kapareho ng ginamit sa biktima at iba pang gamit na posibleng ginamit sa pagpatay na naging ebidensya ng pulisya.
Hindi nadatnan ng mga awtoridad ang mga suspek nang isagawa ang pagsalakay sa nasabing lugar.
Natuklasan pa ng pulisya na umalis na sa lugar ang mga suspek nitong Agosto 30 sa hindi mabatid na dahilan.
Nahaharap na ang suspek sa kasong murder, ayon pa pulisya.