Nasa ₱76 bilyon pa ang kailangan ng Department of Health (DOH) upang masuportahan ang benepisyo ng mga health worker para sa susunod na taon sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa.

Ito ang isinapubliko ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Huwebes at sinabing ang halagang nakalaan para sa allowance ng mga health worker ay kasya lang hanggang anim na buwan.

Sa panukalang 2023 national budget, aabot lamang sa ₱20 bilyon ang pondo para sa public health emergency benefits.

"We will be needing around P76 billion for us to be able to sustain this provision of health-care workers' benefits for 2023. But we were just given a budget that could only last for about 6 months for next year," pagbibigay-diin ni Vergeire sa isang panayam sa telebisyon nitong Setyembre 8.

Aniya, mayroon pang ₱64 bilyong hindi nababayaran ng DOH na health emergency allowance (HEA) nitong  2021 at 2022.

Makatatanggap aniya ng HEA ang mga medical frontliners alinsunod na rin sa Republic Act 11712.

"So, this would be the budget that we need right now so that we can appropriately provide benefits for our health-care workers," sabi ni Vergeire.

Nitong Martes, naglunsad ng protesta ang mga health worker sa harap ng Central Office ng DOH sa Maynila upang igiit na ibigay na ang kanilang benepisyo sa panahon ng pandemya.