Hinangaan at pinapurihan ng mga netizen ang kalmado at chill na pagtapos ni Kapamilya TV host Tyang Amy Perez sa kaniyang spiel, habang live na umeere ang morning program niyang "Sakto sa TeleRadyo" at marinig ang fire alarm, hudyat na may nagaganap na sunog sa gusali ng ABS-CBN.
Kahapon ng 7:03AM ng Martes, Setyembre 6, umandar ang fire alarm habang nagsasalita si Tyang Amy. Nakangiti pa rin niyang tinapos ang pag-spiel ng balita tungkol sa giant crochet sa Baguio City, at sumundot pa ng hirit na "Ano ba yang alarm na naririnig natin? Oh, mamaya. Recess na?”
Kalmado pa ring inihatid ni Tyang Amy ang balita hanggang sa sabihin na niyang "Magbabalik po kami, diyan lamang po kayo, dito sa Sakto."
Ibinida naman ng co-host niya at isa sa mga ABS-CBN news anchors na si Jeff Canoy ang ipinamalas na propesyunalismo ng TV host kahit umaalarma na para sa evacuation.
"Sorry guys, we had to cut our morning news show earlier. Had to evacuate after smoke alarms went off at the ABS-CBN main building," sey ni Jeff sa kaniyang social media post.
"Thanks for the kind messages. We’re all okay. And heading back to work. 🙂"
"Here’s Tyang @amypcastillo trying to get through a news item before we had to evacuate. Fighting!"
Basahin: https://balita.net.ph/2022/09/06/tyang-amy-chill-na-tinapos-ang-spiels-ng-balita-kahit-may-alarma-dahil-sa-sunog-sa-abs-cbn-building/">https://balita.net.ph/2022/09/06/tyang-amy-chill-na-tinapos-ang-spiels-ng-balita-kahit-may-alarma-dahil-sa-sunog-sa-abs-cbn-building/
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Talagang napaka-professional ni Miss Amy Perez."
"Napakahusay, and thank you for letting us know you guys are okay. Ingat po kayo lagi!"
"Ang galing talaga mag-adlib ni Tyang!"
"Very professional Tsang Amy."
"Good job Chang Amy kahit may alarm na pinapahayag mo pa rin ang balita!!! I salute you stay safe everyone."
Kung may mga pumuri sa kaniya, may ilang netizens din ang nagsabing mali ang kaniyang ginawa. Dapat daw, kaagad na niyang tinapos o hindi na niya itinuloy ang pagbabalita; hindi umano siya marunong sumunod sa protocol pagdating sa mga ganitong sakuna.
"Very reckless. I'm not bashing her. I'm concerned with her safety," saad ng isang netizen.
Kaagad namang sumagot si Amy, "It's not being reckless, there is timing to everything and panic is not the answer. Thank you."
Ang sinasabing pinagmulan ng sunog ay may kinalaman sa elektrisidad. Pansamantalang itinigil ang live programs ng ABS-CBN News Channel at TeleRadyo dahil dito.
Maayos naman ang lahat at walang nasaktan.