Sumuko na kamakailan ang nag-viral na dating Philippine Navy member dahil sa pagpatay sa kanyang ex-girlfriend at sa dalawa pang tao. Napag-alaman din na may apat na warrant of arrest ito-- tatlo sa carnapping at isa sa robbery.
Naisipang sumuko ng suspek na si Julian "Jimboy" Paningbatan, Jr. sa 'Raffy Tulfo in Action' kamakailan. Doon ay nagbigay siya ng salaysay kung bakit niya pinatay ang kanyang ex-girlfriend na si Angelica Marie Belina, isang OFW sa Japan.
"Kaya ko po nagawa yung mga krimen na 'yun nang dahil po sa kanya. Simula po kasi nung nagkasama kami inapak-apakan niya yung pagkatao ko. Hindi niya ako nirespeto, binigay ko lahat sa kanya. Minahal ko siya. Pinapili niya ako, kung siya o trabaho ko. Kaya ako nagkakaso ng AWOL dahil siya yung pinili ko," saad ni Jimboy.
Dahil sa pagmamahal niya raw sa biktima ay sumunod na lamang siya rito. Gusto rin daw ng ex niya na lagi silang magkasama. Kaya't dumating na umano sa punto na isinuko niya ang sarili niyang career.
Ispluk pa ng suspek, niloko raw siya ng biktima. Nakikipagkita at nakikipag-usap pa raw ito sa dating kasintahan kahit na sila na.
Hindi raw pinagsisisihan ni Jimboy na nagawa niyang krimen. Aniya, "Kahit anong mangyari nagawa ko na pong pumatay dahil sa kanila. Dahil sobrang galit ang meron ako. Hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko sir."
"Dahil lahat binigay ko sa kanya, pagmamahal. Lahat-lahat. Kaya po ako pumunta rito sir para gusto ko lang sabihin sa mga tao kung anong dahilan ko kung bakit ginawa [ang krimen]," dagdag pa niya.
Gayunman, idiniin ni Senador Raffy Tulfo na kung anuman ang naging dahilan ng suspek sa pagpatay ay hindi pa rin ito sapat na dahilan para i-justify ang ginawa nitong pagpatay.
Bukod kay Angelica, pinatay rin umano ni Jimboy sina Tashane Joshua Branzuela, ex-boyfriend ni Angelica; at Mark Ian Desquitado, isang Grab na kaibigan ni Angelica.
Samantala, napag-alaman na mayroong apat na warrant of arrest laban kay Jimboy, tatlo sa carnapping at isang robbery. Inamin naman ng suspek na ginawa niya ang lahat ng ito.
Gayunman, tiniyak naman ni Tulfo na walang masamang mangyayari sa suspek habang nasa loob ito ng kulungan.
"Ang aking pong gustong makuhang guarantee sa inyo na walang mangyari sa kanya dahil kapag may nangyari po sa kanya, I will take personally. Dahil nirespeto po niya ang programa ko, ang aking tanggapan, with me being the senator of the Republic and kapag may nangyari sa kanya, walang kapatawaran yun para sa akin. So you just make sure nothing will happen to him," pagtitiyak ni Tulfo sa mga inimbitahang pulis mula sa Taguig City Police.
"Tama po yun sir. Wala pong mangyayari po sa kanya. Lalo na po't sumuko sa inyo," ayon sa pulis.
Ayaw rin umano mabalitaan ng senador na nanlaban ang suspek.
Samantala, kasalukuyan nang hawak ng Taguig City Police si Jimboy sa bisa ng apat na warrant of arrest habang nilalakad pa ang isa pang warrant of arrest para sa kasong triple murder.