Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na hindi nila tutularan umano ang Cebu City at hindi pa sila magpapatupad sa lungsod ng ‘non-obligatory’ na paggamit ng face mask sa mga open spaces.

Ang pagtiyak ay ginawa ng alkalde sa regular flag raising ceremony sa Manila City Hall noong Lunes, kasunod ng kontrobersiya nang pagpapatupad ng Cebu City ng polisiya na hindi na obligatory ang pagsusuot ng face mask sa mga open spaces sa lungsod.

Nanawagan rin naman si Lacuna sa mga residente na ipagpatuloy ang pagtalima sa minimum health protocols, partikular na ang pagsusuot ng face masks.

“Maipaalala ko lamang po, lagi po tayong susunod sa lahat po ng panuntunan ng ating lungsod.Ang mask mandate ay nandiyan pa rin,” pagbibigay-diin ni Lacuna na isa ring doktor.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

“Ber months na…pasilip-silip na si Jose Mari Chan, kinakantahan na po kayo.Pero bago po tayo maging excited sa mga susunod na buwan lalo na sa paghahanda natin sa darating na Kapaskuhan, paalala lamang po…patuloy nating panatilihin ang minimum health protocols para na rin sa ating kaligtasan,” aniya pa.

“Ang COVID ay nariyan pa rin sa ating paligid.Bagamat mababa na po ang numero o bilang ng COVID cases sa atin pong lungsod, wala pa ring tatalo sa pagiging maagap,” paalala pa ng alkalde.

Sinabi pa ni Lacuna na iginagalang niya ang desisyon ng Cebu City, ngunit tiniyak na ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay patuloy na susunod sa dikta at pagmamalasakit ng mga ahensya ng national government, lalo na sa pagtugon sa pandemya.

Binigyang-diin pa ng alkalde na kaya naririyan ang mga protocols dahil may kadahilanan at resulta ito ng masusing pag-aaral ng mga health authorities at eksperto sa pandemya.

Matatandaang unang nilagdaan ni Cebu City Mayor Michael Rama noong August 31 ang Executive Order No. 5, kung saan ang pagsusuot ng face masks sa lungsod ay non-obligatory na.

Samantala, habang isinusulat naman ang balitang ito ay inirekomenda na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa huling bahagi ng taon.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ang rekomendasyon ng IATF ay gawing opsyonal ang pagsusuot ng face mask sa mga open spaces at hindi crowded na outdoor areas na may maayos na bentilasyon, kung huhusay pa ang COVID-19 booster uptake sa bansa.

Basahin:https://balita.net.ph/2022/09/07/optional-na-paggamit-ng-face-mask-inirekomenda-na-ng-iatf/