Inaasahang papalo na sa mahigit ₱140 milyon ang jackpot prize ng GrandLotto 6/55 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na bobolahin ngayong Miyerkules, ganap na alas-9:00 ng gabi.
Ayon kay PCSO General Manager at Vice Chairman Melquiades ‘Mel’ Robles, walang pinalad na makahula sa six-digit winning combination ng GrandLotto 6/55 na 54-11-48-10-09-38, na binola noong Lunes, Setyembre 5.
Dahil dito, wala aniyang nakapag-uwi sa katumbas nitong premyo na ₱133,601,552.80 kaya’t inaasahang madaragdagan pa ito at aabot na sa mahigit ₱140 milyon.
Mayroon namang 12 manlalaro ang nakapag-uwi ng tig-₱100,000 second prize matapos na makahula ng tig-limang tamang numero. Bukod naman sa GrandLotto 6/55, nakatakda ring bolahin ngayong gabi ang MegaLotto 6/45 na may jackpot estimates na ₱25.5 milyon.
Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang MegaLotto 6/45 naman ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.