Dininig sa Senado nitong Martes, Setyembre 6, ang mga resolusyon kaugnay ng imbestigasyon ukol sa mga ulat ng sexual harassment sa mga estudyante sa iba’t ibang educational institutions sa bansa.
Para kay Senator Risa Hontiveros, chairperson ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, napapanahon ang pag-usad ng imbestigasyon ukol sa usapin.
“This investigation is timely, hindi lang dahil ay kasunod ng mga news reports tungkol sa pedophilia at sexual abuse na nangyayari mismo sa loob ng ating mga eskwelahan, sa ating mga anak at estudyante, isinigawa ng mga kung kanino ang nakaatas yung substitute parental authority sa kanila,” anang Senador.
Kamakailan, nauna nang hinikayat ng Department of Education (DepEd) ang mga biktima ng pang-aabuso na lumutang at maghain ng reklamo.
“Napapanahon ito dahil sa buong bansa natin ay nagsisimula na magbukas muli ng face to face classes ang mga paaralan ang ating mga bata at talented na mga kagawad ng sining, mga artists ay nagsimula ng bumalik sa Philippine High School for the Arts,” dagdag ni Hontiveros ukol sa mga reklamo kaugnay ng mga naiulat umanong sexual harassment sa naturang institusyon.
“Tungkulin natin na tiyakin ang kanilang mga paaralan ay safe spaces para sa kanila. Ang dapat sumulubong sa knaila na mga matatamis na ngiti ng makaklase at kaibigan, mga classroom na buhay at masigla ang mga talakayan, ang patnubay ng kanilang mga guro. Hindi dapat kabastusan at pagsasamanatala sa kanilang mura nilang pagiisip,” pagtatapos ng senador.