Malugod na tinanggap nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo si Leyte 4th District Representative Richard Gomez sa kanyang pagdalaw sa Manila City Hall, nabatid nitong Martes.
Nagpahayag din ang mga local officials ng Maynila ng kasiyahan sa pagkonsidera ng actor-politician sa sistemang ginagamit ng lungsod bilang template ng pamamahala.
Si Gomez ay sinalubong nina Lacuna, Servo at tourism department chief Charlie Dungo at tinanggap ito ng lady mayor sa kanyang tanggapan kamakailan.
Sa kanilang pagpupulong na tumagal ng 45 minuto, sila ay nagpalitan ng mga kaalaman at pinag-usapan din ang ilang usapin kaugnay ng lokal na pamamahala.
Nabatid na kasama dapat ni Gomez sa pagtungo sa Manila City Hall ang maybahay nitong si Ormoc Mayor Lucy Torres-Gomez, pero sumama ang pakiramdam nito kung kaya't hindi ito natuloy.
Ayon kay Lacuna, nag-benchmarking si Gomez at nagtanong din ito ng mga magagandang ginagawa ng kabisera ng bansa.
Pinagtuunan din ng pansin ng mambabatas ang aspeto ng turismo at ang operasyon ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).
Matapos naman ang pag-uusap ay inutusan ni Lacuna si Dungo na ipasyal sa bagong Clock Tower Museum si Gomez.
Dinala rin ni Angeles si Gomez sa command center ng MDRRMO at ipinaliwanag dito ang kanilang operasyon, gayundin ang sakop at lawak ng kanilang trabaho at kung paano ang MDRRMO ay labis na nakakatulong sa panahon ng kalamidad sa loob at labas ng Maynila.