Inaresto ng mga awtoridad ang tatlong tao at nasamsam ang mahigit P148,000 halaga ng ilegal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Parañaque City and Las Piñas City, ayon sa pulisya nitong Martes, Setyembre 6.

Kinilala ang mga suspek na sina Joefel Ordonez, 35, taga Paranaque City; Ejay Inocencio at Aldrive Balas, parehong 21-anyos at residente ng Las Piñas City.

Naglunsad ng entrapment operation ang mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pakikipag-ugnayan sa Parañaque Police Sub-Station 5, na humantong sa pagkakaaresto kay Ordoñez dakong 10:20 ng gabi noong Lunes, Setyembre 5, sa Manila Memorial Park sa Brgy. BF Homes, Parañaque City.

Narekober kay Ordoñez ang apat na gramo ng shabu na nagkakahalagang P27,200.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Sina Inocencio at Balas ay nasakote ng mga miyembro ng SDEU nang makuhaan sila ng 1,037.2 grams ng marijuana leaves na nagkakahalaga ng P121,464 sa isinagawang buy-bust operation bandang 12:30 ng madaling araw nitong Martes, Setyembre 6, sa San Francisco St. sa Brgy. Almanza, Las Piñas. 

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa custodial facility ng Parañaque at Las Piñas Police Stations. Kinasuhan na rin sila ng illegal possession of drugs. 

Dinala na rin ang mga nakumpiskang droga sa Southern Police District (SPD) Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.

Jean Fernando