Isang kakaibang serbisyo ang hatid ng 38-anyos na lalaki sa Tokyo, Japan dahilan para kumita ito ng halos P17 milyon mula nang simulan niya ito sa pamamagitan ng isang Twitter post.

Kilala bilang “Rental-san,” nauna nang naitampok si Shoji Morimoto sa ilang ulat dahil sa kakaibang alok na pagsama sa sinumang nakararanas ng kalungkutan, pagkalumo, o takot sa ilang tagpo sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, mga emosyong tila talamak sa syudad ng Japan kahit bago pa sumulpot ang Covid-19 pandemic.

Sa halagang 10,000 yen o mahigit P4,000 bawat session, maaaring makasama si Shoji bilang kausap, kasama sa resto, hanggang sa katuwang sa ilang mabigat na yugto sa mga residente ng abalang syudad.

Taong 2018 una pang sinimulan ni Shoji ang kaniyang kakaibang alok.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“I offer myself for rent, as a person who does nothing,” aniya noon sa isang Twitter post.

“Is it difficult for you to enter a shop on your own? Are you missing a player on your team? Do you need someone to keep a place for you? I can’t do anything except easy things,” dagdag niya.

Isang degree holder sa Physics si Shoji na nagtapos sa Osaka University.

Dahil sa paningin ng marami na siya’y isang olats sa kaniyang career dahil umano sa kawalan niya ng inisyatiba, pinanindigan na lang ito at kalauna’y nahanap nga ang kakaibang trabaho.

Si Shoji ay isang pamilyadong residente ng Tokyo at may isang sinusuportahang anak.

Mula nang simulan ang kakaibang serbisyo, tumabo na sa mahigit 4,000 paid sessions ang nagawa niya o katumbas ng halos P17 milyong halaga ng pera.

Base sa kaniyang Twitter updates, patuloy pa ring tumatanggap ng kliyente si Shoji.

https://twitter.com/morimotoshoji/status/1567026327919939586

https://twitter.com/morimotoshoji/status/1564560068518879232

Isa na ring online sensation si Shoji sa Japan na naging inspirasyon ng ilang serye sa telebisyon at maging ng ilang aklat.