Sunod-sunod ang mga naging social media post ng motivational speaker/fitness guru na si Rendon Labador matapos ang ginawang paghamon sa kaniya ng tinaguriang "Pinoy Sakuragi" na si Marc Pingris.
Matatandaang usap-usapan pa rin hanggang ngayon sa social media ang hamon ng Gilas Pilipinas legend na si Pingris kay Labador, nang magkomento ito laban kay Gilas Pilipinas Head Coach Chot Reyes, matapos ang laban sa koponan ng Saudi Arabia.
“Hindi tayo mananalo sa puro paawa effect,” ani Labador.
Nakarating naman ito kay Pingris na isang Gilas legend at diretsahang hinamon ng one-on-one ang motivational speaker.
"Rendon Labador … idol balita ko magaling ka daw sa basketball. 1on1 tayo san at kaylan mo gusto pupuntahan kita."
Basahin: https://balita.net.ph/2022/09/06/marc-pingris-hinamon-si-rendon-labador-1-on-1-tayo-saan-at-kailan-mo-gusto-pupuntahan-kita/">https://balita.net.ph/2022/09/06/marc-pingris-hinamon-si-rendon-labador-1-on-1-tayo-saan-at-kailan-mo-gusto-pupuntahan-kita/
Hindi naman nagpatiklop kay Pingris at tila nakahanda itong kumasa sa hamon nito.
"Patulan ko ba?🤦♂️ #1v1 Battle Of The YouTubers Boss MG exhibition game okay ka?," caption ni Labador sa kaniyang Facebook post noong Setyembre 2.
"Pakitanong baka nabibigla lang siya. Nag kamali siya ng hinamon," aniya pa.
Sa isang video, sinabi ni Labador na baka nabibigla lamang si Pingris sa ginawa nitong paghamon sa kaniya. Sa isang tugon, sinabi ni Pingris na hindi naman daw siya nabibigla sa ginawa niyang paghamon kay Labador.
Noong Sabado, Setyembre 3, hinanap ni Labador ang naghamon na si Pingris at binigyan pa ito ng ultimatum hanggang Lunes, Setyembre 5.
"Till Monday dapat mag-decide ka na kung lalaban ka ba o hindi. Kung wala kang sagot, huwag mo na sayangin oras ko," caption ni Labador.
Kalakip nito ang naging parinig niya sa naghamon sa kaniya.
"REMINDER: Kung hindi ka pala lalaban, huwag ka nang maghahamon. Balikan mo na lang ako kapag buo na ang loob mo. Bawal ang DUWAG sa mundo!"
Sa comment section, may pahabol na pahayag naman si Labador.
"Guys huwag kayo magalit. Ako yung hinamon, pumalag lang ako kasi hindi naman ako duwag sa basketball. Nanahimik ako dito last week lang."
"Nasan na ba yung naghahamon ng 1V1?"
"Dapat may camera para wasakan ng dangal, makita ng buong mundo sino pinakamalakas."
Setyembre 4, muling nagpakawala ng pahaging si Labador.
"Bukas Monday move on na tayong lahat. Hype hype lang pala, akala ko naman lalaban," caption niya.
"Ayaw naman lumaban ng sinasabi ninyong idol ninyo sa basketball. Duwag pala 'yan. Hamon ng hamon nung pumalag ang hinahamon wala na paramdam. Last chance bukas. Tapos move on nalang tayo sayang oras."
Sa isa pang Facebook post noong Lunes, Setyembre 5, ibinida ni Labador ang kaniyang TikTok video kung saan makikitang naglalaro siya ng basketball.
"Ngayon lang ako humawak ng bola. Pag bibigyan lang natin yung nag hahamon. Sana hindi siya naduduwag," muling hirit ni Labador.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Pingris tungkol sa mga patutsada sa kaniya ni Labador.