Kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers' Month, humihirit naman ang isang grupo ng mga guro na gawing ₱30,000 ang suweldo ng entry-level ng mga pampublikong guro.

Nitong Lunes, nagprotesta ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa harap ng House of Representatives building sa Batasan Pambansa Complex upang iparating sa pamahalaan ang problema ng mga guro.

“Nandito tayo sa tarangkahan at binubuksan natin ang National Teachers’ Month na kung saan na dapat iangat ang kalagayan ng guro at kalagayan ng edukasyon,” ayon kay ACT chairperson Vlademir Quetua.

Sa kasalukuyan, ang sahod ng Teacher 1 ay ₱25,439 per month na katumbas ng Salary Grade 11. 

Sa ilalim ng Salary Standardization Law of 2019, makatatanggap ng ₱1,500 increase per month ang mga gurong nasa Teacher 1 sa 2023. 

“Last tranche na ‘yun ng Salary Standardization Law, part five. After nun, ay wala na. At nangangamba kami baka maulit ang panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo na halos isang dekada. Kaya kailangan namin i-push ang sa kasalukuyang budget deliberation sa 2023 budget, na maitaas ang sahod at budget sa edukasyon,” pahayag pa nito.