Mariing pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang isyung gumagamit sila ng mga expired na booster shots sa 'vaccination campaign' ng pamahalaan.

“There is no truth that what we are distributing as booster shots are expired,” ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Lunes.

Ipinaliwanag ni Vergeire na may 'extended shelf life' ang mga booster shot na kanilang ginagamit, at ipinapaliwanag aniya nila ito sa mga babakunahan bago iturok sa kanila.

Sinabi ni Vergeire na kapag malapit nang mag-expire ang bakuna ay nakikipag-ugnayan sila sa Food and Drug Administration (FDA) para makipag-coordinate sa mga manufacturers para mabatid ang 'extended shelf life' ng mga ito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dagdag pa ng health official, sumasailalim rin sa stability study ang mga naturang bakuna upang mabatid ang long term quality ng mga ito.

Inaalam rin anila kung epektibo at maaari pang magamit ang mga naturang bakuna o hindi na.

Aniya pa, ang mga vials na may extended life ay hindi lamang umano nalagyan ng tamang label na mayroon pa ring nakalagay na expiration date.

Hindi naman umano maisauli ng DOH ang mga vaccine vials sa mga manufacturers dahil ilan sa mga ito ay tumigil na sa pag-manufacture ng bakuna.

Gayunman, naglabas naman aniya ang mga ito ng certificate na ipinamamahagi nila sa lahat ng health centers upang maipakita na extended ang shelf life ng mga naturang bakuna.

Binigyang-diin pa ni Vergeire na ang lahat ng bakunang ipinamamahagi ng DOH ay epektibo pa laban sa COVID-19.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, nabatid na hanggang noong Setyembre 4, 2022, nasa 72.6 milyong Pinoy na ang fully vaccinated sa COVID-19 kabilang ang 6.8 milyong senior citizen, 9.9 milyong adolescents at 4.7 milyong bata.

Nasa 18.2 milyon naman ang mga indibidwal na nakatanggap na ng kanilang first booster shot habang mahigit 2.3 milyon ang naturukan na ng second booster shots.