Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na handa ang Maynila sa anumang uri ng kalamidad na maaaring dumating sa lungsod.

Ang pagtiyak ay ginawa ng alkalde, kasabay ng kanyang pagbibigay komendasyon sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), sa pamumuno ni Director Arnel Angeles sa kahandaan nito sa lahat ng uri ng kalamidad.

“Maaari po ninyong tingnan ang ating command center.Kumpleto po doon ang kagamitan na kailangan sa oras ng sunog, baha, storm surge, bagyo o lindol,” ayon pa kay Lacuna, sa regular flag raising ceremony sa City Hall nitong Lunes.

“Name it,nakahanda kami,” aniya pa.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Sinabi pa ng alkalde na proud na proud siya sa mga kawani ng MDRRMO dahil sa pagtatrabaho ng mga ito nang higit pa sa kanilang itinakdang Gawain, tulad na lamang nang pagtungo sa mga nasalantang lugar sa labas ng Maynila, gamit ang mga teknolohiya at makina na ipinagkatiwala sa kanila bilang suporta ng pamahalaang lungsod.

Sa kanyang bahagi, kinumpirma ni Angeles ang pahayag ng alkalde at sinabing ang MDRRMO, sa utos ni Lacuna, ay nagtungo ng Abra na siyang pinakamatinding tinamaan ng malakas na lindol kamakailan lamang.

Aniya, “Nakipagtulungan tayo sa lokal nilang pamahalaan upang makapagsagawa ng Rapid Damage and Needs Assessment sa kanilang probinsya. Hindi nahuhuli ang Maynila sa pagtulong sa iba. Marahil sa kadahilanang ito, maari na nating bansagan ang MDRRMO ang tanggapan ng laging saklolo.”

Sinabi pa nito na sa pakikipagtulungan ng iba't-ibang ahensya ng national government, academe at non- governmental organizations, ay nagawang isakatuparan ng MDRRMO ang mga disaster plans nito.

“Alinsunod sa Republic Act 10121, ang mga nabanggit na plano, particular ang Local Disaster Risk Reduction Management Plan, Climate Change Adaptation Plan, Comprehensive Land Use Plan na kaakibat namin ang City Planning and Development Office at Community Based Disaster Risk Reduction and Management Plan na kasama natin ang Liga ng mga Barangay ang magiging gabay at susi natin patungo sa pagkamit ng parangal na Gawad Kalasag at Seal of Good Local Governance (SGLG) na matagal nang naging mailap sa Lungsod ng Maynila. Sa pakikiisa ninyong lahat, buong kumpiyansa po naming masasabing maisasakatuparan po natin ito. Malapit na, konting push na lang,” sabi ni Angeles.