Nanawagan ang isang migrants' rights group kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na makiusap kay Indonesian President Joko Widodo upang bigyan ng clemency si Pinoy death row convict Mary Jane Veloso.

Sa isang panayam sa radyo, iginiit ni Migrante International spokesperson Joanna Concepcion na kayang gawin ito ni Marcos dahil Pangulo ito ng bansa.

“Gumugulong po ang kanyang legal case laban sa kanyang traffickers dito po sa Regional Trial Court sa Nueva Ecija. Pero po hindi po natin alam kung kailan po ito matatapos ‘no, kaya po ang hiling po ng magulang na gumawa po ng ibang paraan ang ating pangulo, meron po naman po siyang kapangyarihan na humingi ng clemency o pardon doon sa Pangulo po ng Indonesia,” aniya.

“Malaking bagay kung hihingi po, mag-a-apela po ng clemency or pardon or di kaya amnesty si Pangulong Marcos," paglalahad ni Concepcion.

Si Veloso ay dinakip ng mga awtoridad sa Indonesia matapos mahulihan umano ng heroin sa loob ng dalang maleta noong Abril 2010.

Nauna nang naiulat namakikipagpulongsi Marcos kay Widodo bilang bahagi ng kanyang state visit sa Indonesia hanggang Martes.

Sa Miyerkules, inaasahang nasa Singapore na si Marcos, kasama ang mga miyembro ng kanyang Gabinete.

Nitong Linggo, inihayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na hindi dadalawin ni Marcos si Veloso sa kanyang kulungan.

Kamakailan, nagpadala ng liham ang mga magulang ni Veloso na humihiling kay Marcos na banggitin nito kay Widodo ang kaso ng kanilang anak.