Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na nakarekober at nakatapos na ng isolation ang pasyente na itinuturing na ikalawang kaso ng monkeypox sa bansa, habang naka-isolate pa rin ang dalawa pa, o yaong itinuturing na ikatlo at ikaapat na kaso ng virus sa Pilipinas.

Batay sa inilabas na update ng DOH, nabatid na ang ikalawang pasyente ng monkeypox sa bansa ay idineklara ng recovered ng mga doktor noong Agosto 31 at nilagdaan na rin umano ang clearance certificate nito noong Setyembre 1.

Ang 18 close contacts nito ay nananatili pa rin naman umanong asymptomatic hanggang sa ngayon.

Ang tatlo sa kanila ay nakatapos na sa self-monitoring noong Setyembre 2 habang inaasahang matatapos na ang self-monitoring ng 15 pa sa kanila bukas, Setyembre 6.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, kasalukuyan pang naka-home isolation ang ikatlong kaso ng monkeypox sa bansa.

Anang DOH, bagamat ang ika-21 araw ng pagkakasakit nito ay noon pang Agosto 31, hindi pa rin naidedeklarang recovered ang pasyente dahil sa mga rashes nito sa katawan.

“While the 21stday of case was last August 31, case is not yet declared as recovered since not all of the upper torso and left forearm lesion scabs have dropped off. Status of lesions has not yet met the required lesion criteria from discharge from isolation,” paliwanag ng DOH.

Wala naman anila silang na-oobserbahang mga bago o karagdagang rashes o sintomas ng sakit sa pasyente.

Nabatid na ang 17 close contacts nito ay pawang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng karamdaman hanggang sa ngayon.

Isa sa mga ito ang naka-quarantine pa, anim ang nagsasagawa ng self-monitoring, tatlo ang nakatapos na ng quarantine, at pito ang nakatapos ng self-monitoring period.

Samantala, ang ikaapat na pasyente ng monkeypox ay kasalukuyang naka-facility-based isolation pa, ngunit unti-unti na umanong natutuyo ang mga rashes nito.

Wala rin namang karagdagan pang rashes o sintomas na naobserbahan sa pasyente.

Dahil kasalukuyang nasa isolation facility ang pasyente, ang discharge criteria nito mula sa isolation ay ibabase sa assessment ng attending physician at ikokonsidera rito ang kanyang clinical status, kabilang ang lesion stages, gayundin ang laboratory criteria.

Nabatid na ang 20 close contacts naman ng ikaapat na pasyente ng monkeypox ay pawang asymptomatic rin.

Tatlo sa mga ito ang sumasailalim pa sa quarantine, isa ang nagsasagawa ng self-monitoring, isa ang nag-a-asiste sa kaso sa isolation facility at ang quarantine nito ay magsisimula lamang sa sandaling makalabas na ang pasyente mula sa isolation.

Ang natitira pa namang 15 close contacts ay pawang nakatapos na sa quarantine.

Una nang kinumpirma ng DOH na magaling na at nakatapos na ng isolation ang unang kaso ng monkeypox na naitala sa bansa.