Bumiyahe na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. patungong Indonesia nitong Linggo ng umaga para sa una niyang state visit mula nang maging presidente ng bansa.
Kasama ni Marcos na bumiyahe sinaForeign Affairs Secretary Enrique Manalo, Finance Secretary Benjamin Diokno, Trade Secretary Alfredo Pascual at iba pang miyembro ng Gabinete.
Dumalo sa kanyang departure ceremony sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sinaVice President Sara Duterte, Executive Secretary Vic Rodriguez, at House Speaker Martin Romualdez.
Sa talumpati ni Marcos bago ang flight nito, layunin ng kanyang pagbisita na "mapagtibay pa ang relasyon ng Pilipinas sa mga karatig bansa."
“This is to once again put the Philippines in a position where we have strong alliances and strong partnerships which are necessary for us to come out of the post-pandemic economy.In other words, ako’y mangangapitbahay para sa ating bansa at para sa ating ekonomiya,” paliwanag nito.
Inaasahan ding matalakay ni Marcos kay Indonesian President Joko Widodo ang kaso ni Mary Jane Veloso na nakakulong pa rin sa Indonesia ng mahigit 10 taon dahil umano sa heroin smuggling noong 2010.
Bibitayin na sana si Veloso noong Abril 2015, gayunman, nakaligtas ito nang bigyan ng reprieve upang makapagtestigo laban sa umano'y human trafficker nito.
Inaasahang bibiyahe rin si Marcos pa-Singapore sa Miyerkules.
Sa pag-uwi nito sa Pilipinas, inaasahang magdadala si Marcos ng mga "business deals" na magpapalagopa sa ekonomiya ng bansa sa tulong na rin ng Indonesia at Singapore.