Planong isalin sa digital format ni Manila Vice Mayor Yul Servo ang lahat ng mga rekord, ordinansa at resolusyon ng Manila City Council simula pa noong unang itinatag ito.

Ito'y upang mapangalagaan aniya ang mga naturang mahahalagang dokumento laban sa tuluyang pagkaluma at pagkasira, at matiyak na maipi-preserba din ang mayamang kasaysayan ng kabisera ng bansa. 

Sinabi ni Servo na sa tala ng City Council, ang mga batas panglungsod na isasalin sa digital na paraan ay mula pa noong 1908.

"Nakakatuwa at malaking tulong sa mga kabataan o sinuman na nagre-research tungkol sa mga ordinansa o batas panglungsod kung ang mga records natin ay maisasalin sa digital format.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa tulong ng internet, isang pindot mo lang o i-type mo lang ang code o author nung ordinance, lalabas na agad ito kung anong search engine ang ginagamit mo, tulad ng Google halimbawa," excited na pahayag pa ng bise alkalde, nitong Linggo.

Ayon kay Servo, na siya ring Presiding Officer ng City Council, binibigyan niya ang kanyang sarili nang hanggang isang taon para maisakatuparan ang pagsasalin ng mga batas at rekord mula sa pinakaluma hanggang sa pinakabago.

Dagdag pa ni Servo, nakakalungkot isipin na hindi makasabay sa pag-unlad ng teknolohiya ang pag-iingat ng mga records sa Manila City Council.

"Yung iba kasing mga city ordinances ay hindi mo makikita kahit sa Google," aniya pa.

Binigyang-diin din ni Servo na mahalaga sa bawat mamamayan ng lungsod at maging sa mga hindi residente nito ang kaalaman sa mga umiiral na ordinansa ng lungsod.

Binanggit pa ng bise alkalde na isa sa mga obsolete o hindi na akmang batas na isasalin sa digital format, ay ang batas na nagbabawal na magpunta o pumasyal sa Escolta nang hindi nakasuot ng Amerikana o coat and tie. 

Ang Escolta ang sikat maunlad at sentro ng kalakakalan noong early 1900.