Usap-usapan ngayon sa social media ang kuhang video na ibinahagi ng isang Facebook user na si "VA Jan Carlo" mula sa Laoag City matapos maispatan ang pagkakadapa sa kalsada ng isang puting kabayo, matapos mag-over take at mabangga ng isang provincial bus.
Kitang-kitang nasa gilid ang kalesang pinatatakbo ng isang puting kabayo at minamaniobra naman ng isang matandang kutsero. Umiwas ang puting kabayo sa nakaparadang tricycle sa gilid kaya umusog ito nang kaunti sa bandang gitna. Sumakto namang dumaan ang bus at nahagip ang kalesa. Nagkataon ding madulas ang daan dahil sa pag-ulan.
Kitang-kita ang pagkakadapa ng puting kabayo na nahirapang tumayo dahil sa tangang karomata. Ilang minuto lamang at nakatayo na rin ang puting kabayo, at wala pang update kung may malubha ba itong sugat o nasa mabuting kalagayan.
"Detoy Bus number 46 Fariñas Bus Terminal…Sayaten u kuma pinagdrive u ket makadisgrasya kayu. Kaasi pay tay kabalyo ada sugat na. Imbagta han nairaman dagita ada dta sangu. Ty tricycle nairaman pay. Ana ngamin pgovertake kan na ket ada kalesa magna ta sangu na ken ada sumabet pay nga lugan," saad ng uploader ng video. Nangangahulugan itong sana raw sa susunod ay mag-ingat na sa pagmamaneho ang driver upang hindi na ito makadisgrasya.
Hindi pa sigurado kung ano ang kahaharaping parusa o kung may pananagutan ba ang driver ng naturang bus.
Samantala. nabagbag naman ang kalooban ng mga netizen sa naturang insidente. Marami ang nahabag para sa kabayo.
"May puso rin po sila. "
"Hala bakit naman sila ganiyan, hindi naman nag-ingat. Kawawa naman yung kabayo."
"Kawawa sa kabayo ba. Bihira na nga lang ang ganyan na sasakyan natin sa Pinas, respeto naman sana."
"Naiyak ako para sa walang kamuwang-muwang na kabayo."
Nanawagan ang mga netizen na sana ay maakiyonan ng Fariñas Bus Terminal ang naturang insidente. Wala pang tugon o pahayag ang pamunuan ng bus company tungkol dito.