Masayang ibinalita ng mag-asawang Sherwin at Tintin Abdon na ibabahagi nila sa ‘Museo ng Pag-asa’ ng Angat Buhay ang inangkasang motorsiklo ni dating Vice President Leni Robredo sa isang campaign rally sa Cavite noong Marso.

Matatandaang isa sa mga masugid na tagasuporta ni Robredo noong kampanya ang mag-asawa.

Sa isang Facebook post nitong Biyernes ng gabi, ibinahagi ni Tintin ang ilang larawan ng kanilang pag-turn-over sa motorsiklo sa inaabanagan nang museo.

“Isang napakalaking karangalan po para sa amin na maidonate sa Angat Buhay Museo ng Pag-asa ang aming motorsiklo na sinakyan ni VP Atty. Leni Robredo nuong March 4, 2022 sa Cavite,” proud na saad ni Tintin.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Aniya pa, “habang buhay” nilang ikararangal na maitatampok siya sa museo.

Matatandaan ang pinag-usapang pag-angkas noon ni Robredo kay Sherwin nang maipit sa trapiko ng sarili niyang campaign rally sa General Trias sa Cavite.

Tinatayang aaabot sa 47,000 tagasuporta ni Robredo ang naiulat na dumalo sa pagtitipon.

Samantala, wala pang anunsyo kaugnay ng pagbubukas ng “Museo ng Pag-asa” sa publiko.