Plano ng Office of the Press Secretary na mataguyodng fact-checking team upang labanan ang mga fake news o misinformation, ayon kay Press Secretary Trixie Cruz- Angeles nitong Biyernes, Setyembre 2.
Dahil laganap ang mga umano'y fake news sa social media, plano ng OPS na magtaguyod ng fact-checking team.
"Meron po kaming plano na magcreate ng fact-checking team at tsaka pagbibigay ng additional na impormasyon ukol doon sa mga raging issues. Nagmomonitor po kami ng social media at nagiging responsive po kami," saad ni Angeles sa hearing ng House Appropriations Committee.
"Halimbawa, kamakailan, may mga kinoconduct na diumano'y tinatatawag na raid ang BOC so we took the pains to explain what the exercise of visitorial powers is as compared to a raid. Hindi pa po gaano kalaganap siguro sa punto na lahat ng instances of potential fake news ay masasagot namin.
"Gayunpaman ay inuumpisahan namin na mas responsive kami doon sa mga issues tungkol sa mga government functions, sa exercise ng executive powers and so on. So meron po kami, kulang lang po kasi yung PS namin, nagke-create naman po kami ng research teams for this purpose," paglalahad ng press secretary.
Samantala, sa isang Facebook post nitong Biyernes ng gabi, nagpasalamat si Angeles sa mga kongresista sa suporta nito sa pagsasaayos ng pondo na kinakailangan ng OPS para mas mapaigting pa umano ang operasyon nito na labanan ang mga fake news o misinformation.
"Humarap ang inyong lingkod at ang team ng Office of the Press Secretary ngayong araw sa Committee on Appropriations ng House of Representatives of the Philippines para talakayin ang panukalang budget natin para sa taong 2023," aniya.
"Ibinahagi rin natin sa ating mga butihing kongresista ang ilan sa mga adhikain, programa at plano ng OPS sa ilalim ng pamumuno ng inyong lingkod. Nagpapasalamat tayo sa mga mambabatas sa kanilang suporta sa pagsasaayos ng pondo na kinakailangan upang mas maipaigting pa natin ang operasyon ng ating ahensya.
"Nagbigay rin tayo ng suporta sa Kongreso para sa panukalang batas sa paglaban sa fake news at disinformation. Handang magbigay at magsumite ang ating opisina ng suhestiyon at impormasyon na kinakailangan para makamtan natin ang 'whole-of-government' approach kontra fake news.
"Makakaasa po kayo na ang buong puwersa ng OPS ay patuloy na magtatrabaho at gagampanan ang aming tungkulin para sa sambayanang Pilipino at sa ngalan ng serbisyo publiko."