Hinimok ng Department of Education (DepEd) ang mga biktima ng umano'y sexual harassment na maghain ng kanilang mga reklamo laban sa pitong guro sa Bacoor, Cavite.
“Ang problema is walang masyadong mga complainants na nagpa-file ng kanilang mga affidavits so sana po tulungan nyo rin po kami hikayatin ‘yung mga alleged victims na lumabas po at mag-file ng kanilang mga affidavits para po mapalakas lalo yung kaso kung mayroon man,” ani DepEd spokesperson Michael sa isang press briefing.
Sinabi ni Poa na ang imbestigasyon ay nagpapatuloy at ang isang fact-finding report ay nakatakdang isumite sa regional office ngayong Setyembre 2, para sa karagdagang pagpapasiya ng administrative proceedings.
Aniya, kapag napatunayang nagkasala, maaaring matanggal sa serbisyo ang pitong guro.
“The most severe punishment would be dismissal because the DepEd, it’s really more of an administrative proceeding. If it will merit the severest penalty, penalty will be dismissal,” ani Poa.
Kung babalikan ang pahayag ng Commission on Human Rights (CHR) nitong Setyembre 1, umabot na umano sa 30 estudyante ang naging biktima ng umano’y sexual harassment sa Bacoor National High School.
BASAHIN: Biktima, 30 na! Sexual harassment cases sa Bacoor, iniimbestigahan na ng CHR
Tulad ng panawagan ng DepEd, sinabi ni CHR Regional Director Rexford Guevarra na kinukumbinsi na nila ang 30 na estudyante upang makapagbigay ng sinumpaang salaysay laban sa mga gurong idinadawit sa insidente.
Isinapubliko ito ng CHR sa isang panayam sa telebisyon kasunod na rin ng paglulunsad nila ng imbestigasyon sa usapin.
Sa gitna ng mga alegasyon, tiniyak ng DepEd na matatag silang magkaroon ng “zero tolerance” laban sa anumang uri ng pang-aabuso sa mga paaralan sa buong bansa.