Sinermunan ni Senator Aquilino "Koko" Pimentel si Executive Secretary Vic Rodriguez dahil sa hindi pagsipot sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa kontrobersyal na kautusang pag-aangkat ng asukal.
“Matindi si Executive Secretary. Bigyan naman niya ng time ang Senate Blue Ribbon committee na makapagtanong ang mga miyembro tungkol sa sinabi niya,” komento ni Pimentel.
Nag-ugat ang pagkadismaya ng senador nang makatanggap si Senator Francis Tolentino ng abiso ni Rodriguez na hindi dadalo sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng usapin ng importasyon ng asukal, dahil inaasikaso umano nito ang biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa ibang bansa.
Nakadalo pa si Rodriguez sa unang pagdinig ng Senado nitong Agosto 23, gayunman, hindi na nakadalo sa ikalawang pagdinig dahil umano sa pagpupulong ng mga miyembro ng Gabinete.
Himutok naman ni Pimentel, dapat na igalang ng mga opisyal ng gobyerno angSenate Blue Ribbon committee.
"It weakens the committee. If the Senate Blue Ribbon committee is weakened, it weakens the entire institution of the Senate. 'Yan ang pinaka-powerful naming committee, pinakamahalaga naming committee 'yan,” anang senador kasabay ng pagsasabing hindi katanggap-tanggap ang hindi pagsipot ni Rodriguez sa hearing.
"Hindi compromise na hindi mag-a-appear. Hindi puwede 'yun. That is not a compromise.And if you are abroad, [attend] online,” pagdidiin pa ng senador.