TABUK CITY, Kalinga – Naharang sa police checkpoint ang isang biyahero ng ilegal na droga nitong Biyernes ng umaga, Setyembre 2, sa Brgy. Dupag, Tabuk City, Kalinga.

Lulan nito ang126 kilo ng marijuana bricks na umaabot umano sa mahigit₱15.6 milyon ang halaga.

Kinilala ang suspek na si Jerry Salang-oy Alunday, alyas 'Wayaway,' 31, residente ng Brgy. Bugnay, Tinglayan, Kalinga at kabilang sa listahan ng High Value Target (HVI) ng pulisya.

Nakatanggap ng impormasyon ang Tabuk City Police Station na may isang puting van na may lulan ng marijuana bricks mula sa bayan ng Tinglayan ang patungong Tabuk City.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Agad nagsagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company dakong alas 10:00 ng umaga sa Brgy. Dinakan, Lubuagan, Kalinga, subalit pagdating ng nasabing sasakyan na may plakang UCH-862 sa lugar ay sinagasaan nito ang checkpoint.

Agad namang nag-abiso ang 2nd Kalinga PMFC sa Pasil MPS, Balbalan MPS, at Tabuk CPS para sa posibleng pagharang sa tumakas na sasakyan.

Naharang ng Tabuk CPS ang nasabing sasakyan sa Brgy. Dupag na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at pagkakakumpiska ng 126 piraso ng marijuana brick at apat na piraso ng tubular form dried marijuana, na may kabuuang timbang na 130,000 gramo at may Standard Drug Price na₱15,600,000.

Ang imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya ay isinagawa on-site sa presensya ng naarestong suspek at sinaksihan ni DOJ Representative Marianie Dumpao; Janet Alagao, kinatawan ng Media; at Kagawad Catherine Auggas ng Brgy. Dupag.