Iniulat ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes na wala pang estudyante at mga guro ang dinapuan ng Covid-19 simula nang magbalik ang face-to-faces classes sa bansa noong Agosto 22.

“Sa ngayon po, after verifying with our field offices, wala pa po tayong reported na nagkaroon ng Covid from the start of the classes, pati na rin sa ating teaching and non-teaching staff,” ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Poa, sa isang pulong balitaan nitong Huwebes.

Sa kabila nito, tiniyak ni Poa na patuloy nilang imu-monitor ang sitwasyon ng Covid-19 sa mga paaralan araw-araw.

Tuloy-tuloy rin aniya ang counseling sessions sa mga di pa bakunadong estudyante at mga staff ng mga paaralan, gayundin ang roll out ng mobile Covid-19 vaccination sa mga eskwelahan.

National

Abalos, tiwala sa kakayahan ni bagong DILG Sec. Jonvic Remulla

Nabatid pa kay Poa na bago magbukas ang mga paaralan ay nasa 19% pa lamang ng mga mag-aaral ang fully vaccinated na sa  Covid-19, base na rin sa kanilang DepEd Learner Information System.

Una nang sinabi ng DepEd na maaaring lumahok sa face-to-face classes ang mga estudyante at mga guro, bakunado man sila o hindi.

Samantala, iniulat rin naman ni Poa na patuloy silang nakakatanggap ng magandang feedback mula sa mga regional offices hinggil sa mga sitwasyon sa mga paaralan. Wala rin aniyang mga major o untoward incidents na nangyari sa mga nakaraang araw ng klase. 

Una nang sinabi ng DepEd na hanggang sa Oktubre 31 na lamang papayagan ang blended learning at full online classes.

Pagsapit naman ng Nobyembre 2, kinakailangang magdaos na ng limang araw na face-to-face classes ang lahat ng public at private schools sa bansa.