Awtomatiko nang suspendido ang klase sa lahat ng antas at trabaho sa mga pampublikong paaralan sa mga lugar kung saan magtataas ang PAGASA ng public storm signals, rainfall, at flood warnings.

Ito ay batay na rin sa Department Order (DO) na inilabas ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes sa kanilang Facebook page o The Guidelines on the Cancellation or Suspension of Classes and Work in Schools in the Event of Disasters and other Natural Calamities.

Nakasaad sa DepEd Order (DO) 37, na nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, na sa panahon ng mga bagyo, ang klase ay suspendido sa mga lugar na inisyuhan ng Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) 1, 2 ,3, 4, o 5 ng PAGASA.

Suspendido rin ang klase sa mga paaralang matatagpuan sa mga lugar na inisyuhan ng PAGASA ng Yellow, Orange, o Red Rainfall Warning, o Flood Warning.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Anang DepEd, kung ang TCWS, Rainfall Warning, o Flood Warning ay inilabas sa panahong nagsisimula na ang klase, iminamandato sa mga paaralan na kaagad na suspendihin ang klase at trabaho at pauwiin ang lahat, kung ligtas itong gawin.

Kung hindi naman ligtas ang panahon, obligasyon ng paaralan na panatilihin muna ang mga estudyante at mga tauhan nito sa paaralan at huwag munang payagang bumiyahe.

Maaari ring magdesisyon ang mga local chief executives sa suspensiyon ng klase sa mga pagkakataong mayroong malakas na hangin, torrential rains, o mga pagbaha sa isang ispesipiko o lahat ng lugar na sakop ng LGU, ngunit hindi sakop ng PAGASA warning.

Sa kaso naman ng mga pribadong paaralan, community learning centers, state and local universities and colleges (SUCs/LUCs), sinabi ng DepEd na mayroon silang opsyon na sumunod o hindi sa probisyon ng naturang DO.

Sa panahon naman ng lindol, nakasaad sa DO na awtomatiko ring suspendido ang klase sa lahat ng antas kung saan magdedeklara ang Phivolcs ng Phivolcs Earthquake Intensity Scale (PEIS) V pataas.

May kalayaan rin anila ang mga lokal na punong ehekutibo na magkansela ng klase sa mga lugar kung saan ang PEIS ay nasa IV pababa.

Anang DepEd, maging ang mga school principals ay maaari rin namang magdeklara ng kanselasyon ng klase sa anumang PEIS, kung sa kanilang pagtaya ay maaaring magkaroon ng panganib na gumuho ang kanilang school buildings at iba pang istruktura at madiskubreng nagkaroon ito ng malaking pinsala. Dagdag pa ng DepEd, sakaling magkaroon ng class suspension dahil sa mga naturang kaganapan, maaaring magpatupad ng distance learning o make up classes.

Ang mga estudyante naman anila na may na-missed na learning activities dahil sa mga naturang pangyayari ay dapat na bigyan ng nararapat na konsiderasyon upang makumpleto ang mga ito. Base rin sa naturang kautusan, hindi na ipagagamit ang mga paaralan bilang quarantine o isolation facilities o vaccination centers para sa Covid-19 patients, dahil sa pag-aalis ng memorandum na nagpapahintulot dito.

Paglilinaw naman ng DepEd, maaari pa ring gamitin bilang agarang evacuation center ang mga paaralan sa panahon ng ibang kalamidad, ngunit hindi dapat na tatagal ng higit sa 15 araw.

Inaatasan din naman ang mga LGUs na huwag gamitin ang mga paaralan bilang pangmatagalang tutuluyan ng mga bakwit.