'Support local'
Iyan ang pangunahing adbokasiya ng isang pintor sa kanyang "bilao artworks" na gawa sa "lokal" na kagamitan.
Hindi lang husay ang nais ipakita ng 25-anyos mula sa La Loma, Quezon City, na si Chennie Cano Tanfelix dahil ang patuloy rin niyang hinihiyakat ang publiko na suportahan ang sariling atin.
Ang kanyang bilao artworks ay partikular na gawa sa bamboo at oil paints.
Kasalukuyang medical technologist si Tanfelix sa isang Chinese general hospital at ipinagpapatuloy niya ang kanyang hilig sa pagpipinta pagkatapos ng kanyang duty.
Pagbabahagi ni Tanfelix, umaabot sa walo hanggang 12 oras ang paggawa niya ng isang bilao artwork.
Dagdag pa niya, marami siyang pinaghuhugutan ang inspirasyon sa paggawa ng kanyang sining.
"Maraming bagay ang mga nagbibigay sakin ng inspirasyon para magpinta, maaaring mula sa palabas, mula sa kanta o maging sa nga taong nakakasalamuha ko," ani Tanfelix.
Mensahe naman ni Tanfelix, sa pamamagitan ng kanyang bilao art ay naipapakita niya kung gaano niya ipinagmamalaki ang pagiging isang Pilipina.
Aniya, "Proud akong Filipina at proud akong gumagamit ng gawang lokal."