Nagpakalat pa si Manila Mayor Honey Lacuna ng mas maraming traffic enforcers sa mga lansangan ng Maynila matapos na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) laban sa implementasyon ng Non-Contact Apprehension (NCAP) nitong Agosto 30.
Kasabay nito, tiniyak ni Lacuna nitong Miyerkules na tatalima ang pamahalaang lungsod sa kautusan ng Kataas-taasang Hukuman na ipatigil muna pansamantala ang pagpapatupad ng NCAP.
Nanindigan rin naman si Lacuna na malaking tulong ang NCAP at marami itong benepisyong hatid, hindi lamang sa mga residente, kundi maging sa mga motorista.
“Bagamat naniniwala tayo na maraming magandang nadulot ang NCAP sa daloy ng trapiko at pagsasaayos ng disiplina sa ating lungsod, ang Pamahalaang Lungsod ay susunod sa alituntunin ng Korte Suprema at handa sa pagpapahinto ng NCAP sa Maynila,” ayon pa kay Lacuna.
Sinabi ng alkalde na base sa datos, naging napaka-epektibo ng NCAP sa pagpapababa ng bilang ng traffic violations sa lungsod.
Sa tulong din umano nito ay naging disiplinado ang mga motorista at maiwasan ang pagbubuhol ng daloy ng trapiko sa lungsod.
Ipinaliwanag niya na base sa datos mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA), na nakapaskil sa kanilang MMARAS 2021 Annual Report hinggil sa road safety, ang kabuuang bilang ng mga fatal at non-fatal injuries dahil sa mga aksidente sa kalsada ay bumaba ng 47% matapos na ipatupad ang NCAP sa Maynila.
Sa datos naman ng Manila Police District (MPD), nabatid na bumaba rin ang bilang ng mga naitatala nilang road accidents ng hanggang 62% matapos ang NCAP implementation.
Ang bilang ng mga naitalang traffic violations ay bumaba rin aniya ng 90% base sa daily average na naitala kada traffic camera sa Maynila.
Ani Lacuna, ang mga naturang datos ang nagpapatunay na ang NCAP ay isang malaking tagumpay upang maiayos ang daloy ng trapiko, maiwasan ang gridlocks, at mabawasan ang bilang ng pagkasugat at pagkamatay mula sa aksidente sa mga lansangan, gayundin ng mga traffic rules violations.
“The evidence shows that NCAP keeps traffic flowing smoother and faster, and keeps motorists, bicycle users, and pedestrians safe on the city roads and streets,” ayon pa sa alkalde.
“Most importantly, the abundance of data shows that the NCAP is quite effective in keeping city traffic smooth and efficient, while also protecting the safety of pedestrians and motorists.Nevertheless, we are prepared to comply with the Supreme Court’s TRO while also taking measures to benefit all stakeholders even while NCAP is suspended,” dagdag pa ni Lacuna.
Tiniyak din naman ni Lacuna sa mga residente at mga motorista na sa kabila ng suspensyon ng NCAP, ipagpapatuloy ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang istriktong pagpapatupad ng mga traffic regulations upang mapanatili ang kaayusan, disiplina at kaligtasan sa mga lansangan.