Ikinukunsidera nang nasa 'low risk classification'angCovid-19 average daily attack rate (ADAR) sa National Capital Region (NCR).
Ito'y matapos na pumalo na lamang sa 5.98 kada 100,000 populasyon ang kasalukuyang ADAR sa rehiyon.
Ang ADAR ay yaong average na bilang ng mga bagong kaso ng Covid-19 sa isang panahon, kada 100,000 katao.
Ayon kay OCTA Fellow Dr. Guido David, ang ADAR na mas mababa sa 6 ay itinuturing na 'low' base sa kanilang mga sukatan o metriko.
Sa datos ng independiyenteng OCTA Research Group na ibinahagi ni David sa kanyang Twitter account nitong Martes, nabatid na noong Agosto 22, ang NCR ay mayroong ADAR na 7.32 kada 100,000 indibidwal.
Samantala, ang seven-day average ng mga bagong kaso ng Covid-19 sa NCR ay bumaba rin ng 19% mula sa 1,062 noong Agosto 22 ay naging 862 noong Agosto 29.
Ang reproduction number naman ng NCR ay bumaba rin mula sa 0.99 noong Agosto 19 at naging 0.95 na lamang noong Agosto 26.
Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang mabagal na hawaan ng virus.
Ang one-week positivity rate naman sa NCR, ay bumaba rin sa 14.6% noong Agosto 18 at naging 12.7% na lamang noong Agosto 25.
Ang positivity rate ay yaong porsyento ng mga taong nagpopositibo sa sakit mula sa bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.
Ang healthcare utilization rate naman para sa COVID-19 ay nananatiling nasa low sa 33% habang ang intensive care unit (ICU) occupancy naman ay mababa rin sa 25.8%.