Magandang balita para sa may 5,000 tauhan ng Manila Police District (MPD) dahil inaasahang matatanggap na nila ang kanilang buwanang allowance mula sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga susunod na araw.
Nabatid nitong Martes mula kay Manila Mayor Honey Lacuna na ilalabas na ngayong linggong ito ang monthly allowance allotment ng MPD police mula sa city government.
Ayon kay Lacuna, inasikaso na ni City Administrator Bernie Ang lahat ng kailangang dokumento para dito.
Nilagdaan na rin aniya ang kalakip na mga papeles upang mapadali ang paglalabas ng monthly allowance ng mga pulis. Ipinangako din ng lady mayor na ita-tap niya ang lahat ng mga tumulong sa local government simula pa noon, at sinabing mapalad ang Maynila sa pagkakaroon ng mga tagasuporta na laging nasa likod ng ng mga adhikain ng lungsod.
“Nakatutok po tayo sa regular stakeholders at nakikipag-usap. Sabi nga ni PBBM, dapat may public and private partnership dahil makakatulong sa lahat ng adhikain,” ayon kay Lacuna.
“Sana ay patuloy kayong sumuporta in terms of mobile cars, SWAT vehicles and the like. Sana ay matulungan nyo pa din kami pati na din ang ating partners sa national,” dagdag pa ng alkalde.
Sinamantala rin ni Lacuna ang pagkakataon upang pasalamatan ang MPD para sa payapa at maayos na unang araw ng face-to-face classes sa lungsod.
Labis ring ikinatuwa ng alkalde na walang kaguluhang naganap sa unang araw ng pagbabalik ng in-person classes sa lungsod.
Tinagurian din ni Lacuna ang mga MPD personnel bilang mga 'unsung heroes' tulad din ng medical frontliners at overseas Filipino workers na kanyang lahat na pinapurihan sa paggunita ng National Heroes' Day nitong Lunes.
Tiniyak rin niya sa MPD na buo ang suporta ng lokal na pamahalaan sa mga pulis at hindi nila iiwanan ang mga ito.