All-set na ang pagbabalik ni “King of Talk” Boy Abunda sa telebisyon, pagkukumpirma ng TV personality sa isang panayam.
Pag-amin ng TV host, wala siyang nakikitang plano sa susunod na dalawang taon.
“Ngayon lang I wanna go back to television,” anang host na nakatakda ring lumipad ng Amerika para sa ilang hosting gigs.
Natanong naman muli si Tito Boy ukol sa kaniyang dati pang balitang pagbabalik sa Kapuso Network.
“‘Di pa alam pero anything is possible,” matipid na saad nito.
Hindi naman tinanggi ng batikang host na may pag-uusap na nagaganap sa pagitan niya at ng GMA Network, at alam ito ng ABS-CBN.
“May mga pag-uusap hindi lamang sa Channel 7,” ani Tito Boy.
Paglilinaw naman niya: “Wala akong offer from the Villar group.”
"Sa ngayon, wala pang kasiguraduhan pero ang alam ko lang I’m back on television pagbalik ko [mula Amerika]," aniya.
Kumpirmasyon ni Tito Boy, ngayong taon ang kaniyang television comeback.
“Tatlong taon na po akong walang trabaho,” ani Tito Boy na aminadong na-mimiss na ang TV.
Wala mang kumpirmasyon kung sa Kapuso Network nga ang lilipatang tahanan ng host, hindi naman nito sinunog ang posibilidad.
Dagdag niya, “napakaganda ng relasyon” niya sa ilang bosses sa GMA at mga nakatrabahong staff matapos ang ilang dekada.
Bakas naman ang excitement kay Tito Boy sa napipintong pagbabalik sa TV.
“Iba yong ilaw, bilang, indayog, rhythm. Iba lahat na hindi ko nararanasan sa socials sa YouTube for example. Iba ang kinang [ng television],” aniya.
Positibo ring nakikita ng host ang pagpasok sa merkado ng AMBS ng Villar group na napapabalitang magbubukas sa Setyembre o Oktubre ngayong taon.
“The more the merrier. Para mas maraming pagpipilian lalo na katapat ang social media ang TV.”